top of page

Diamante, nagreyna sa 7 event, most bemedalled sa Novice Swim

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 26, 2022
  • 2 min read

ni MC - @Sports | September 26, 2022


ree

Nadomina ni Nicola Queen Diamante ang anim sa pitong event na nilahukan para tanghaling ‘most bemedalled’ swimmer sa pagtatapos ng 1st Novice Swim Championship sa maulang Linggo sa Teofilo Ildefonso swimming pool sa Rizal Memorial Sports Complex (RMSC) sa Malate, Manila.


Nakopo ni Diamante, isang miyembro ng RSS Dolphines Swim Team, ang girls 11-yrs old class A 25-meter free style sa oras na 14.30 segundo, butterfly (14.80), backstroke (16.30), breastroke (21.40), 50-meter freestyle (30.40), at 100-m Individual medley (1:29.40).


Hindi nakumpleto ni Diamante ang isang sweep sa grassroots development program ng Congress of Philippine Aquatics, Inc. (COPA) na pinamumunuan ni Batangas solon Eric nang masilat sa tunggalian laban kay Alex Pasia ng Sharknado Swimming Team sa ang 100-m freestyle (45.80) sa tiyempong 1:09.10.


Noong nakaraang buwan sa Reunion swimfest ng COPA, itinanghal din si Diamante na top swimmers tangan ang apat na gintong medalya sa Class A 100-m butterfly (1:21.30); 100-m backstroke (1:24.70); 100-m freestyle (1:11.00) at ang 200-m back (3:04.90).


“Masayang masaya po ako at nagpapasalamat sa COPA dahil tuloy-tuloy ang tournament nila sa mga kabataan tulad ko. Mas gagalingan ko pa po sa susunod. Medyo maginaw na kanina kaya hindi ko na masyadong nakahirit,” pahayag ni Diamante, patungkol sa malakas na hangin at bahagyang pag-ulan dala ng bagyong ‘Karding.


Idineklara ng weather bureau ang signal No.3 sa Maynila bandang hapon ngunit masuwerte ang organizers na natapos ang event pagkatapos ng lunch break. “Inagahan nga namin after we receive the info about the signal warning. Pasalamat naman kami at natapos ng maaga at napauwi natin ang lahat bago pa bumuhos ang ulan. Hindi na kami nag-awarding, abot na lang 'yung mga medals,” pahayag ni technical director head Richard Luna.


Sinabi ni COPA Board member Chito Rivera na inaasahan niya ang malaking partisipasyon ng public school student habang inihayag ang planong doblehin ang bilang ng mga kalahok sa susunod na tournament -- ang Reunion 3rd leg swim challenge sa Oktubre 22-23.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page