ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | July 10, 2024
Kinlaro na ng kampo ni Ivana Alawi sa pamamagitan ng publicist ng PPL Entertainment na nagma-manage ng career ng aktres ang isyung tsugi na siya sa FPJ’s Batang Quiapo.
Sa vlog na Marites University kung saan isa si Rose Garcia sa mga hosts kasama sina Jun Nardo, Mr. Fu at Ambet Nabus ay ikinuwento ng una ang paliwanag sa kanya tungkol sa nalalapit na pagkawala ni Ivana.
Aniya, “So, inalam ko na agad. Sabi ko, ‘How true na papalitan na si Ivana ni Kim Domingo sa Batang Quiapo? And how true na nag-a-attitude raw si Ivana kaya tsutsugihin na siya?’
“Well, correction daw, unang-una, nand’yan pa si Ivana na baka hanggang end of this month pa ang taping niya.
“It’s true na mawawala na siya sa Batang Quiapo dahil ayaw na! Pagod na! That’s the statement na sinabi sa ‘kin, ayaw na, pagod na. Pagod na siguro si Ivana.
“Kung papansinin ninyo si Ivana, hindi naman talaga siya ‘yung ano, ang gagamitin kong term, 'hayok' o ‘yung anung-ano (read: atat) na magka-project.”
Tanong ni Ambet, “Hindi niya (Ivana) kailangan (ng trabaho)?”
“Saka tinanong ko ‘yung (diva attitude), eh, hindi raw,” sagot ni Rose.
Natawa si Ambet, “Siyempre (ide-deny), hahahahaha!”
“Well, sabi ko sa inyo, there’s always two sides. Baka sa production, tingin nila, nag-a-attitude. Baka naman si Ivana, meron din siyang napapansin or whatever na concern.
“Anyway, ang kausap talaga d’yan ni Ivana ay si Ms. Cory Vidanes (Chief Operation Officer ng Kapamilya Channel) so ‘yun ang nakakaalam din,” katwiran ni Rose.
Ang pahayag naman ni Rose tungkol sa pagpasok ni Kim Domingo sa FPJ’s Batang Quiapo, “Ako personally, nag-shrug off ako du’n sa Kim Domingo kasi GMA siya before. Hindi ko nga alam kung end (of) contract na siya,” nagtatakang sabi ng isa sa mga hosts ng MU.
Say naman ni Jun, “Ang huli yata n’yang (project) ay Start-Up (Alden Richards at Bea Alonzo).”
“Yes, na walang kaseksihan ‘yun, so, after that, wala na. Pero ang alam ko kasi dati diyan, may contract pa siya pero ngayon kung nasa Batang Quiapo na siya, baka naman either binili na (buy out) or baka naman nag-ENDO (end of contract) na. Anyway, s’ya ang bagong leading lady ni Coco sa Batang Quiapo,” pahayag ni Rose.
Sori na lang sa mga Marites…
JOROSS, TODO-TAKIP SA NANGYAYARI KINA KATHRYN AT ALDEN
"Bampira ka, Joross?" ang bungad namin kay Joross Gamboa nang salubungin namin siya habang papasok ng Ceremonial Hall ng Marriott Hotel nu'ng Linggo bilang isa sa mga presenters sa 7th EDDYS Awards Night.
Tumawa si Joross at sabi niya agad, “Magaling mag-alaga si misis.”
Ang bata at fresh niyang tingnan sa edad na 40 at hindi lang kami ang nakapansin kundi ito ang bati ng lahat sa aktor na nasiyahan naman sa mga narinig na compliment.
Anyway, tahimik si Joross tungkol sa balitang may namumuong romansa kina Kathryn Bernardo at Alden Richards na magkasama sa sequel ng Hello, Love, Goodbye, ang Hello, Love, Again mula sa direksiyon ni Cathy Garcia-Sampana at produced ng Star Cinema.
Tila wala siyang narinig nang pasadahan ng press tungkol sa KathDen. Mas nagkuwento siya na excited siya sa part 2 ng pelikula dahil happy set sila at kasama rin siya dati sa part 1.
Sa Hong Kong ang unang destinasyon ni Joross kasama sina Jeffrey Tam at Alden dahil ito ang last frame ng Hello, Love, Goodbye na naiwan ang huli sa HK.
“The day after lang, kapag pinanood mo ang part 1, pagkapanood mo ng part 2, konektado. Parang one day difference. Nagpabalbas pa ako noon, ginawan pa ng paraan ang buhok namin.
“Long hair kasi ako doon, sa sobrang lapit, the day after, kaya hinabol ko pa ang balbas ko. Malungkot lang dahil nag-Hong Kong kami, kasi kaming tatlo lang. Pero sabi ni Alden, ‘pag kasama kami, 'Ngayon lang ako tumatawa nang ganito.' Parang magtotropa lang kami. Super enjoy kami,” kuwento ni Joross.
Bago magtapos ang July ay lilipad na sila ng Canada kasama na ang ibang cast at isang buwan silang mananatili roon para sa shoot ng Hello, Love, Again.
Say ni Joross, “I am excited for the second leg. One month kami sa Canada sa katapusan ng July. Itong Canada, ibang part ng story iikot. Dahil nauna na si Kathryn sa Canada, direct continuation ito ng part 1 ng Hello, Love, Goodbye.”
Nabanggit pa ng aktor na mas relatable sa nakararami ang kuwento nina Ethan at Joy dito sa Hello Love, Again. Hindi pa buong script ang nabasa ni Joross pero kapit na kapit na siya kaagad sa ganda ng istorya.
Anyway, muling sinimplehan si Joross ng press tungkol sa KathDen kung ano na ang real score sa dalawa.
“Alam ninyo, wala kayong maaasahan sa akin. Kahit asawa ko, nagtatanong, sinasabi ko, hindi ko natatanong. Hangga't (maaari), ‘di ako nagtatanong, unless magkuuwento.
“Sa Canada, one month ‘yun. Tingnan natin, mag-aano ako, konting bits and pieces. Update ko kayo,” tumawang sagot ng aktor sa media.
Kommentare