'Di raw traydor, join sa TVJ… ALLAN K., UMAMING INALOK NG DOBLENG TF NG MGA JALOSJOS, TINANGGIHAN
ni Janiz Navida @Showbiz Special | June 20, 2023

Inunahan na ni Allan K. ang mediacon na ipinatawag ng TV5 ngayong Martes nang hapon para ipakilala sa entertainment press ang bagong noontime show nina Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon kasama ang mga Eat…Bulaga! Dabarkads na sina Jose Manalo, Wally Bayola, Paolo Ballesteros, Ryan Agoncillo, Ryzza Mae Dizon at Maine Mendoza.
Sa exclusive interview kasi kay Allan K. ni Papu Julius Babao sa Unplugged vlog nito sa kanyang YouTube Channel na uploaded kagabi, 6 PM, nagbigay na ng mahahalagang impormasyon si Allan kaugnay ng nangyari sa kanila sa Eat… Bulaga! at sa ilang mangyayari pa ngayong nasa bakuran na sila ng Kapatid Network, na tiyak na inaabangan ng lahat.
But of course, sure rin kaming marami pang malalaman ang mga press people sa pagharap ng "Men of the Hour" na TVJ at Dabarkads sa mediacon ngayong hapon.
Anyway, isa nga sa mga kinumpirma ni Allan sa interbyu ni Papu Julius ay sa July 1 na magsisimula ang bagong show nila sa TV5 at definitely, sa noontime slot ito, thus replacing It's Showtime ni Vice Ganda and company.
Hindi pa lang niya sinabi ang eksaktong title ng show pero nag-suggest daw siyang gawin itong "LegIT Bulaga!"
Aminado si Allan na nasa mga Jalosjos ang copyright ng show kaya may magaganap na pagtatalo sa korte kung ipipilit nilang gamitin ang Eat…Bulaga! sa bagong show nila sa TV5.
Samantala, nag-share rin si Allan ng ilang nangyari bago ang paglayas ng TVJ at Dabarkads sa EB!.
Inamin niyang sa first general meeting nila with the Jalosjos na siyang bagong namumuno ngayon sa EB!, silang tatlo lang nina Jose at Wally ang gustong itirang hosts bukod sa TVJ. Kumbaga, laglag ang ibang Dabarkads.
Siyempre, ipinaalam daw nila ito sa buong grupo since isang pamilya na nga sila sa EB!.
"Ikinuwento namin sa lahat, 'di kami traydor," sabi pa ni Allan.
Inalok nga raw sila ng dobleng suweldo ng mga Jalosjos pero hindi sila pumayag dahil ang katwiran nila, kung nasaan ang TVJ ay nandu'n din sila bilang isa nga silang pamilya na "Juan for All, All for Juan".
Kaya kahit hindi pa nila alam kung magkano ang TF nila ngayon sa TV5, hindi raw nila pinag-usapan 'yun at kung saka-sakali, ngayong araw lang nila malalaman kung may pipirmahan silang kontrata na hindi nila nagawa noon sa TAPE, Inc. management.
Ang mahalaga raw ay masaya silang sama-sama sa TV5, at tulad nga raw ng sinabi ni Joey de Leon, "Kung nasaan ang Eat… Bulaga!, 'yun ang No. 1 (TV station)," kaya haping-happy silang maging Kapatid.

Natanong din si Allan kung may maipapayo siya sa mga bagong hosts ng EB! sa GMA-7 na as we all know ay inuulan ng pamba-bash matapos palitan ang TVJ sa show.
Agree si Allan sa sinabi ni Papu Julius na walang kasalanan ang mga hosts, pero para sa mga Jalosjos, aniya, "Change the name of the show. By then, magiging katanggap-tanggap na siguro sa mga followers ng Eat… Bulaga!"
At ang mensahe naman niya sa mga It's Showtime hosts na balitang malilipat ng oras sa pagpasok ng TVJ at Dabarkads sa TV5, "Kung anuman ang nangyari sa inyo ngayon, you can always move on."
Inamin din niyang friends sila ni Vice Ganda pero matagal na matagal na raw silang hindi nagkakausap, lalo na nang magkatapatan ang EB! at It's Showtime.
When asked kung kinausap ba siya ni Vice sa paglipat ng TVJ at Dabarkads sa TV5, sagot ni Allan K, "Hindi naman siya nagri-reach out, bakit ako magri-reach out?"
Aaay, 'yun lang! Parang mas du'n pa kami nabulaga, char!!!

Siyam na taon nang celebrity endorser ng Nailandia si Marian Rivera, at aminado si Ms. Noreen Divina na nakilala nang husto ang nail salon at foot spa chain na pag-aari nila ng mister niyang si Juncynth Divina mula nu'ng naging endorser nila si Marian noong taong 2014.
Hindi pa raw makapaniwala ang mag-asawa nu'ng una na makukuha nila si Marian dahil iniisip nilang mataas ang talent fee nito. Pero sa awa raw ng Diyos, nagkaayos sila ng dating manager ni Marian na si Rams David and the rest is history na nga.
Masaya si Noreen na tumagal nang siyam na taon ang samahan nila ni Marian, hindi lamang bilang negosyante at endorser, kundi bilang magkaibigan.
“Actually 'yung relationship namin ni Marian, hindi na more on business.”
Ilang beses na raw niyang napatunayan ang kabaitan at pagiging totoong tao ni Marian, lalo na nitong panahon ng pandemya. Ayaw na raw niyang ikuwento ito, basta ang masasabi niya ay strong ang friendship nila.
Pinuri rin niya si Marian na effective endorser.
“Nakilala nang husto ang Nailandia dahil sa kanya, wala akong masabi. Tapos, napaka-perfect niyang role model; good wife, good mother, good daughter, good apo, good friend, ideal na celebrity, walang bisyo, malinis ang image. Complete package!”
Kaya last May 26, muling nag-renew ng kontrata si Marian bilang nag-iisang celebrity endorser ng Nailandia nail salon and foot spa sa ika-siyam na taon.
Present sa renewal ni Marian si Mike Tuviera ng Triple A (All Access to Artists, Inc.) management na siyang nangangalaga sa career ng aktres, at ang mag-asawang Noreen at Juncynth.
Wala na raw silang balak kumuha pa ng ibang female endorser ng Nailandia.
“Marian Rivera is Marian Rivera. Siya lang, sapat na, actually, sobra pa! Napakalakas ng hatak niya sa tao,” pagtatapos ni Ms. Noreen.





Comments