‘Di raw sure na hiwalay na… OGIE: GUSTO KO, SINA KATHRYN AT DANIEL PA RIN
ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | November 19, 2023

Sa tagal ng panahon ay ngayon lang ulit tumanggap ng movie project ang host/comedian/content creator at talent manager na si Ogie Diaz dahil sobrang gustung-gusto niya ang kuwento ng pelikulang In His Mother’s Eyes na pinagbibidahan ni L.A. Santos.
“Ini-request din ako nina Madam Flor Santos (ina ni L.A. at producer ng pelikula), ni JRB (Julie Anne Benitez, TV executive ng ABS-CBN) at ni Direk FM (Reyes), gusto raw niya akong makatrabaho,” say ni Ogie nang tanungin namin through text messages kung ano ang nagpa-oo sa kanya para tanggapin ang In His Mother’s Eyes dahil sa pagkakaalam namin ay ayaw muna niyang mag-shooting/taping nang matagalan dahil marami rin siyang ginagawa.
Nu’ng Abril, 2023 lang daw siya nag-shoot at anim na araw ito at hindi naman patayan ang oras kaya okay sa kanya.
At masaya ring nabanggit ni Ogie na gusto raw ni Direk FM na magkaroon sila ng sitcom ni Kuya Dick o Roderick Paulate.
“Gusto niya (Direk FM), siya mismo ang magdidirek ng sitcom naming dalawa ni Kuya Dick,” sambit pa ni Ogie kaya sagot namin na sana, may offer sa kanila ang ABS-CBN.
“Oo nga, eh. Gusto ko talagang gawing sitcom kasi comedy talaga ang forte ko,” sagot naman ng komedyante.
Biro namin, isasama raw si Anji Salvacion sa sitcom nila ni Kuya Dick if ever may offer. Kaya namin ito nabanggit ay dahil ang baguhang aktres ang pinuna ni Ogie ang acting sa seryeng Linlang na naging trending pa.
Natawang sabi ni Ogie, “Ha, ha, ha, ha! Potah ka! Why not? Turuan ko siya ng right timing.”
Sa mga hindi pa nakakaalam ay nagtuturo ng acting workshop si Ogie at maraming artistang may pangalan na ang dumaan sa kanya na natutuwa naman ang una dahil hindi naman siya nalilimutan ng mga ito.
Samantala, pagkatapos ng mediacon ng In His Mother’s Eyes ay hiningan ng reaksiyon si Ogie sa sinabing fake news ang ibinalita niyang hiwalay na sina Kathryn Bernardo at Daniel Padilla na ang dahilan daw ay si Andrea Brillantes na kaibigan mismo ni Kath, bagay na inalmahan ng kanilang fans ni DJ.
Nag-trending ang balitang ito ni Ogie kaya naman kaliwa’t kanan ang bashing sa kanya. Totoo nga ba na nagkaroon ng ‘something’ sina DJ at Andrea o Blythe?
“Sinabi ko nga, paulit-ulit (sa Showbiz Now Na vlog), eto ho ang nakarating sa amin, hindi po ito confirmed. Hintayin po natin sila kung ano ang sasabihin nila, kung ano ang totoo ru’n sa nabalitaan natin,” giit ni Ogie na tawa nang tawa.
Ayon kasi sa ibang KathNiel fans ay kinumpirma ni Ogie na totoo nga ang Daniel-Andrea issue.
“So, hindi ko problema! Problema ko? Hindi ko problema ‘yun! Problema ‘yun ng nakaka-interpret na ‘yun ang kanilang interpretasyon,” diin ng host.
Tumawa na naman si Ogie sa tanong kung ano ang masasabi niya na in-unfollow na ni Kathryn si Andrea.
“Nasa vlog ko ‘yun, eh. Du’n n’yo na lang anuhin (panoorin). Lahat kayo, nagba-vlog. Ako pa ba?! Nagba-vlog din ako, ha, ha, ha, ha, ha!” tumatawang sabi nito sa amin.
Dagdag pa, “Again, eto po ‘yung nabalitaan namin. Hindi po ito confirmed. Hintayin po natin silang magsalita kung ano ang totoo. Basta importante, at the end of the day, gusto ko, sila pa rin.”
Napanood namin ang lahat ng vlogs na tinalakay nina Ogie at Mama Loi sa Showbiz Now Na sa YT channel nila at malinaw nga na nakarating lang sa kanila ang balita at hindi pa kumpirmado at open sila sa statement ng KathNiel.
Going back to In His Mother’s Eyes ay mapapanood na ito sa Nobyembre 29 handog ng 7K Entertainment na idinirek ni FM Reyes at ang mga kasama nila ni L.A. ay sina Ms. Maricel Soriano, Maila Gumila, Ruby Ruiz, Elyson de Dios, Vivoree, Reign Parani, Rochelle Pangilinan, Inah Evans, Nolo Lopez, Bong Gonzales, Skylee Alcalde at Roderick Paulate.

Speaking of L.A. Santos ay talagang napaluha ang lahat sa trailer ng In His Mother’s Eyes dahil nakita ang struggles niya bilang may Autism Spectrum Disorder (ASD) siya at sa pakikitungo niya sa mga tao, lalo na sa nanay niyang si Maricel Soriano na nawalay sa kanya para magtrabaho sa ibang bansa para may pantustos sa kalagayan ng anak.
Kaya maluha-luha si L.A. sa mga narinig niyang papuri sa kanya.
“Thank you, thank you 1,000 times, ‘yan po ang masasabi ko sa kanila. Siyempre, gusto kong pasalamatan ‘yung mga naging supportive sa akin, of course, sina Tita Maricel, Tito Roderick at siyempre, ‘yung direktor ko po, si Direk FM Reyes. Hindi po nila ako pinabayaan.
"Kaya po kayo nagagalingan sa akin kasi ginabayan po nila akong lahat. Nakinig lang po ako, tapos sila na po, inilabas po nila ‘yung galing ko,” sambit ng aktor sa ginanap na mediacon ng pelikula nitong Huwebes nang gabi.
Nag-research daw talaga si L.A. sa ginampanan niyang karakter na hindi rin nalalayo sa kanya dahil ganito rin ang kalagayan niya.
"Unang-unang ginawa ko po ay inirespeto ko po ‘yung mga taong special po. Hindi ko po kinalimutan na mahalin sila at siyempre, unahin sila dahil para sa kanila itong ginagawa ko po.
"Kaya ang ginawa ko po, nag-research po akong mabuti. Nakipag-usap po ako sa mga mommy na may anak na special po. Kaya gusto ko pong pasalamatan ‘yung Best Buddies Foundation dahil sila po ‘yung tumulong sa akin para mas ma-research ko ‘yung character ko po.
"At saka nakilala ko po si Clarence, na isang special kid po na eksakto po para kay Tim. Sinamahan ko lang po siya. Pinakinggan ko ‘yung kuwento ng buhay niya po. At saka na-amaze po ako kasi iba ‘yung puso nila, grabe po ‘yung pag-emphatize nila sa mga tao.
"Na-amaze lang din po ako kasi ‘pag sinabing nasa spectrum, hindi iisa lang, eh, parang it's a very, very wide spectrum po. Kumbaga, bawat special kid po ay iba-iba, special sila in their own ways po.
"Buong puso po akong nagpapasalamat sa movie na ito kasi gusto kong mabigyan ng justice ‘yung mga special na tao po dito sa Pilipinas at gusto ko pong maintindihan po ng mga tao ‘yung pinagdaraanan po nila," kuwento ng aktor.





Comments