‘Di raw puwedeng puro love lang… VICE: ‘WAG MAG-ANAK KUNG WALANG PERA

ni Mercy Lejarde @Talkies | October 5, 2026

Photo: FB / Circulated / It's Showtime
Nagpaalala ang Unkabogable Star at It’s Showtime (IS) host na si Vice Ganda sa mga magulang na dapat panindigan ang responsibilidad sa pagpapalaki ng anak.
Napag-usapan ito sa segment na Laro Laro Pick kasama ang singer at aktor na si Ogie Alcasid, na inamin ang kagustuhan niyang magkaroon na ng apo.
Sa panayam, tinanong ni Vice si Ogie kung kailan niya nakikita ang sarili bilang great-grandfather.
“Kailan mo nakikita sa sarili mo na maging great-grandfather ka?” tanong ni Vice.
“Actually, gusto ko talagang maging lolo na. Ang tagal...” sagot ni Ogie.
Sinundan naman ito ni Vice ng tanong kung hindi ba nito pine-pressure ang mga anak niyang magkaroon na ng sariling pamilya.
“Gusto mong magkaroon ng apo pero ‘di mo naman pine-pressure ‘yung mga anak mo?” tanong niya.
“Hindi. Alam mo, konsiderasyon talaga ang ekonomiya. Maganda ‘yung pananaw ng anak ko, ‘Dad, I need to have money to have a child.’ And tama, ‘di ba?” ani Ogie.
“Puwede ko rin namang bigyan, pero gusto n’ya, sila talaga. May asawa na kasi ang anak ko, so ‘yun,” dagdag niya.
Naitanong din ni Vice kung ilang taon si Ogie nang magkaroon siya ng anak.
“30 ako. Tamang edad ‘yun, 30, maganda,” sagot ni Ogie.
Dito na napunta ang usapan sa responsibilidad ng mga magulang sa kanilang mga anak, kung saan nagbigay ng kanyang pananaw si Vice.
“Be responsible. Actually, wala talaga sa age. It’s all about your responsibility. At ‘yung kakayahan mo na makapagbigay ng disenteng pamumuhay sa batang iluluwal mo,” ani Vice.
Dagdag pa niya, hindi raw sapat na mahal lamang ang isang anak kung hindi kayang tugunan ang mga pangunahing pangangailangan nito.
“It’s not all fun and love all the time. Kasi mahal na mahal mo ‘yung bata, kung ‘di mo s’ya napapakain, ‘di mo s’ya napapagamot tuwing nagkakasakit s’ya at ‘di mo s’ya napag-aaral, I don’t think that’s love.
“Love comes with a big responsibility,” saad ni Vice.
Well, pak na pak ka r’yan, Meme, as in big tumpak!
Kaya naman, katuk-katok din sa mga ama na hindi nagbibigay ng suporta sa kanilang mga anak. Tulung-tulong din ‘pag may time.
Pak, ganern!
MULING kinilala ang mga programa at personalidad ng ABS-CBN matapos itong mag-uwi ng mga parangal sa 29th Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) Golden Dove Awards na ginanap kamakailan.
Wagi ang What Lies Beneath na pinagbidahan nina Charlie Dizon, Janella Salvador, Kaila Estrada at Sue Ramirez ng Best Drama Program for Television para sa kahanga-hangang kuwento at mga bituin nito.
Naging Best Actor si Gerald Anderson, isa sa mga bida ng teleseryeng Sins of the Father, para sa kanyang husay bilang Samuel Trinidad.
Itinanghal ding Best Actress si Julia Montes para sa kanyang galing bilang Anna Sarmiento sa seryeng Saving Grace.
Nakuha naman ng A.S.A.P. in England ang Best Variety Program for Television na parangal para sa paghahatid nito ng saya at star-studded performances sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at international audiences.
‘Yun lang, and I thank you.





Comments