'Di raw pala puwedeng petiks lang siya… ALDEN, NA-PRESSURE KASAMA SI BEA
ni Vinia Vivar - @Frankly Speaking | September 19, 2022

Hanggang ngayon ay parang hindi pa rin makapaniwala si Alden Richards na katrabaho na niya ang kanyang idolong si Bea Alonzo. Noon pa ay consistent na ang aktor sa pagsasabing fan siya ng aktres at looking forward siya talaga na makasama ito sa isang proyekto na that time ay mukhang imposible dahil nga nasa ABS-CBN ito.
Pero sino nga ang mag-aakala na lilipat si Bea sa GMA-7 at matutupad ang pangarap ni Alden na makatambal siya sa Pinoy adaptation ng hit Korean drama na Start-Up Ph?.
Ngayon nga ay ready for airing na ang serye at nagkaroon na ito ng red carpet screening and mediacon last Saturday sa Robinson’s Galleria na dinaluhan ng cast sa pangunguna nga nina Alden at Bea.
Ikinuwento ni Alden sa mediacon kung paano niya unang na-meet si Bea years ago pa.
“First time naming nag-work po kasi ni B (Bea) sa isang endorsement abroad sa Bangkok.
Du’n kami unang nagkita and nasa kabila (ABS-CBN) pa siya nu’n. Then, parang sabi ko na really looking forward ako na sana, one day, magkaroon kami ng project together.
“And eto na nga. Ganu’n din, eh. Like Start-Up, natutupad talaga ‘yung mga pangarap, eh,” sey ni Alden.
At ngayon ngang finally ay nakatrabaho na niya si Bea, dito nakita ni Alden na talagang napaka-professional daw ng aktres.
“She puts good pressure on me, on us, actually. Kasi, never akong nagkaroon ng eksena with Bea na hindi niya memorized ang linya niya. And the way she handles her character, parang sabi ko sa sarili ko nu'ng nakakaeksena ko siya rito sa Start-Up, ‘Parang hindi ako puwedeng petiks, ah.’
“Parang ‘yung style ko before na chill-chill lang, parang medyo mas dinagdagan ko nang konti, kasi ang hirap naman na parang ‘etong taong ‘to, pinapakitaan ka ng effort at ibinibigay niya ang 100% niya every taping day and yet, hindi mo gagawin ‘yung trabaho mo nang tama.
“So, it’s a good pressure on us,” sey ni Alden.
Sobrang galing din daw makisama ni Bea na nakita na rin daw niya agad nang magkasama sila sa Bangkok.
“So, very happy kami, and I’m sure, me and all of the cast, we’re very proud that we have a Bea Alonzo in this show,” ang pagmamalaki ni Alden.
Na-flatter naman si Bea sa mga sinabi ni Alden dahil ngayon lang daw niya ito narinig mula sa aktor.
“Siyempre, ‘pag nag-uusap naman kami, hindi ganito. Siyempre, ngayon ko lang naririnig ‘tong mga ‘to.
“So, of course, I’m very thankful and very, very flattered and I can say that I feel the same about him,” ani Bea.
And just like Alden, ang ganda rin ng impresyon ni Bea sa leading man.
“Siya ‘yung naging parang welcoming committee ko sa GMA. Close niya lahat ng mga tao, ‘yung mga staff, ‘yung mga artista. And he’s very playful on set, na parang siya ‘yung nagse-set nu'ng tone ru’n sa set namin, ‘yung happy lang, ‘yung ganyan,” kuwento ni Bea.
Ang pagiging playful nga raw ni Alden ang isang bagay na natutunan niya sa aktor.
“Kadalasan kasi, may pagka-serious type ako pagdating sa trabaho. Natutunan ko sa kanya na you don’t have to take so many things too seriously. Na minsan, puwede ka ring mag-enjoy. ‘Yun ang natutunan ko sa kanya,” pahayag ni Bea.
Kasama rin sa serye sina Yasmien Kurdi, Gabby Eigenmann, Gina Alajar, Jeric Gonzales, Boy 2 Quizon at marami pang iba.





Comments