top of page

‘Di raw niya sinabing nakakatakot maging pangulo si VP Sara… DINGDONG, PINATAWAD NA ANG DDS NA NAGKALAT NG FAKE NEWS TUNGKOL SA KANYA

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 6 hours ago
  • 4 min read

ni Rohn Romulo @Run Wild | February 24, 2026



DIngdong Dantes

Photo: File / Dingdong Dantes



“Apology accepted,” ‘yan ang mabilis na sagot ni Kapuso Primetime King Dingdong Dantes matapos mag-sorry ang isang netizen na nagpakalat ng fake quote kaugnay sa usap-usapang pagtakbo ni Sara Duterte sa 2028 elections.


Sa kumalat na fake statement, mababasa na, “Dingdong Dantes said, ‘Nakakatakot ‘pag nanalo si VP Sara. Nakikita ko sa kanya ang tapang, talino, at abilidad na may kakayahang mamuno gaya ng kanyang ama.’”


Kaya naman nilinaw agad ni Dong na hindi niya sinabi ang naturang statement.

Sa kanyang post, nagpaalala rin siya sa publiko tungkol sa kumakalat na fake news sa social media.


“Nawa’y maging mas mapanuri po tayong lahat, lalo na sa misinformation at disinformation, at sa bawat diskurso, piliin sana natin ang respeto sa kapwa Pilipino. Peace!” sey ni Dingdong.


Nakatanggap naman ng mga papuri ang aktor mula sa mga netizens at may isang nag-comment pa ng, “Nakaka-proud talaga na maging DDS,” na ang ibig niyang sabihin ay ‘Dingdong Dantes Supporter’.

Komento pa ng mga netizens:


“Napakabuti ni Mr. Dingdong Dantes. Lesson learned sa mga content creator na mahilig sa tsismis ng kapwa para lang pagkakitaan.”


“‘Yan ang dapat. Magpasaya na lang tayo ng kapwa natin. Just be happy always. Iisipin mabuti kung makakasakit tayo o hindi bago tayo magbitaw ng mga salita.”


Marami rin ang nag-comment na hindi sapat na mag-sorry at dapat daw ay kasuhan din ni Dingdong ang nagpakalat ng fake news.


May nadismaya na pinatawad agad ni Dingdong at hindi na kakasuhan ang blogger o influencer.


Komento pa ng ibang mga netizens:

“Mabait pa rin si Dingdong Dantes, ‘di n’ya na kakasuhan ‘yung nag-post.”

“Jusko, bakit patatawarin ‘yan? Gagawa ng kuwento, gagawa ng salita at mandadamay ng taong may pangalan. Hehehe! Joke lang. Salute, Sir Dingdong Dantes. Napakabuti mo.”

“Nakakahiya as a DDS (diehard Duterte supporter). Karamihan kasi ng DDS vlogger, puro fake news. Mahilig silang gumawa n’yan kasi alam nila ang kapwa nila DDS, mabilis mapaniwala at mauto. Salamat at ‘di na ako ganap na DDS.”


“Kung ako ‘yan, magkasuhan. ‘Pag naiyak na, withdraw ko na. Kailangan talaga may masampolan sa mga nonsense na paggamit ng pangalan ng mga non-political persons.”

“Kasuhan mo. Apology is not enough for these people. Lalala pa ‘yan ‘pag malapit na ang election.”


“No, kasuhan mo. ‘Di puwedeng maging normal na lang sa kanila ang ganyang palusot.”

“Yes, Sir. But much better file a cyber libel case for accountability para magtanda.”


“Apology accepted, okey naman. Kaso ‘di mo sana pinalampas ang consequence. Parang binigyan mo lang ulit ng pagkakataon ‘yung fake news peddler na namumuhunan sa likes at views ng bawat fake news posts n’ya, at base sa mga posts n’ya ay literal na namumuhay sa pagkakalat ng maling impormasyon at walang pakialam sa sinasabi ng iba, bagkus pinagkakatuwaan pa n’ya ang mga issue laban sa kanya.”



SPEAKING of Dingdong Dantes, silang dalawa ni Iza Calzado ang mag-i-induct sa mga bagong opisyal ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd).

Magaganap ito ngayong alas-onse ng umaga, Pebrero 24.


Pangungunahan nina Dingdong at Iza ang panunumpa ng mga opisyal ng organisasyon sa Induction and Recognition Ceremony sa JY Hall ng Bayanihan Center sa Pasig City.


Itatalaga bilang pangulo si Tessa Mauricio-Arriola, Entertainment and Lifestyle Editor ng The Manila Times.


Kasama rin ang mga bagong opisyal na sina Maricris Valdez Nicasio (Hataw), bise-presidente para sa panloob na gawain; Gerardine Trillana (Malaya Business Insight), bise-presidente para sa panlabas na gawain; Ervin Santiago (Inquirer Bandera), kalihim; Rohn Romulo (People’s Balita), kapwa kalihim; Dondon Sermino (Abante TNT at DWAR 1494), ingat-yaman; Anna Pingol (Pika-Pika.com), kapwa ingat-yaman; Jerry Olea (PEP.ph), tagasuri; at mga opisyal ng ugnayang pampubliko na sina Nickie Wang (Manila Standard), Janice Navida (Bulgar) at Neil Ramos (Tempo).


Ang iba pang miyembro ng SPEEd ay sina Eugene Asis (People’s Journal), Ian Farinas (People’s Tonight) at Salve Asis (Pilipino Star Ngayon at PangMasa), kasama sina Nestor Cuartero (Manila Bulletin at Tempo), Dinah Ventura (Daily Tribune), Jun Lalin (Abante), Nathalie Tomada (Philippine Star), Bobby Requintina (Manila Bulletin), at mga nagretiro nang patnugot na sina Dindo Balares (Balita) at Rito Asilo (Philippine Daily Inquirer).


Bilang bahagi ng programa, ibibigay ng SPEEd ang kauna-unahang Recognition Awards nito sa mga katuwang na nanindigan sa organisasyon sa mga nakaraang taon. 


Pararangalan sina Claire Papa ng Unilab Inc.; Maria Yolanda ‘Yoly’ Crisanto ng Globe Telecom; Joy Andrade ng Newport World Resorts; Angeli Pangilinan-Valenciano ng SoundCheck Inc.; Juancho Robles ng ChanRobles & Company CPAs; at Rhea ‘Rei’ Anicoche-Tan ng Beautéderm.


“Habang minamarkahan natin ang ating ika-10 taon bilang isang organisasyon, nararapat lamang na parangalan natin ang mga katuwang na tumulong sa atin na umunlad, mapanatili ang The Eddys at mabigyang-parangal ang talentong Pilipino sa bawat matagumpay na yugto,” ayon kay Mauricio-Arriola.


Pagpapatuloy pa niya, “Ang kanilang patuloy na suporta ay sumasalamin sa aming pangako na mapahusay pa ang Philippine entertainment.”


Samantala, kikilalanin din ng SPEEd ang kanilang mga miyembrong publikasyon bilang pasasalamat sa kanilang patuloy na suporta sa misyon ng organisasyon na itaguyod ang integridad, propesyonalismo at responsableng entertainment journalism.


Gaganapin ang seremonya sa Bayanihan Center, isang kilalang event venue sa loob ng compound ng Unilab sa Kapitolyo, Pasig City.


Sa panunumpa ng mga opisyal ng SPEEd para sa taong 2026 at pagkilala sa mga katuwang nito sa industriya, sumusulong ang organisasyon nang may panibagong determinasyon at muling pinagtitibay ang pangako nitong kilalanin ang talentong Pilipino at itaguyod ang kredibilidad at may prinsipyong pamamahayag sa larangan ng aliwang lokal.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page