- BULGAR
'Di raw kayang itago dahil lalabas din… JOAQUIN, INAKO ANG ANAK
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters! | July 24, 2022

Isa ang anak ni ex-Manila Mayor Isko Moreno na si Joaquin Domagoso sa mga bisita sa launching ng Juanetworx, bagong entertainment app, na ginanap sa Club Filipino North Greenhills, San Juan City nitong Hulyo 21.
Nagpaalam kami sa manager niyang si Daddie Wowie Roxas kung puwedeng makausap ang batang aktor at sagot nito sa amin, "Mamaya na," kaya ramdam naming tila iniiwas nitong may makausap na press si JD (palayaw ng aktor) dahil sa isyung may anak na ito ngayon.
Naikuwento lang ni Daddie Wowie na may ipinrodyus siyang pelikula na isasali sa Metro Manila Film Festival 2022 at isa si Joaquin sa mga bida at ang ibang makakasama ay mga anak din ng artista na kapanahunan ni Yorme Isko.
At dahil ramdam na ng manager ni Joaquin na ang tutumbukin ng tsikahan ay tungkol sa pagiging batang ama nito ay nagpauna na siyang aktor ito at hindi matinee idol.
Hindi na nga naman bagay na matinee idol dahil may anak na.
“Joaquin Domagoso is not a matinee idol. He’s an actor! Walang mawawala sa kanya!” sabi ni Daddie Wowie.
Nabanggit ding wala namang planong itago ang anak ni Joaquin dahil tiyak na lalabas ito kaya naman nu’ng pumutok ang balita ay inako ito ng aktor.
Nabanggit pa ni Daddie Wowie na alam niyang hindi maaapektuhan ang career ni Joaquin kahit may anak na dahil ganito rin naman ang nangyari noon kina Aga Muhlach at Piolo Pascual na hanggang ngayon ay sikat na sikat pa.
Samantala, ayon kay OWWA Deputy Administrator Arnell Ignacio ay matagal na niyang planong magkaroon ng entertainment app para sa mga kababayan nating OFW para maibsan ang kanilang pangungulila, at the same time ay matulungan sila kapag may mga problema sila sa kani-kanilang mga employers o trabaho, kaya isinabay na rin ang pagiging emergency app ng Juanetworx.
Ang ilan sa mga contents ng bagong streaming app na ito ay ang untold stories ni Fr. Suarez na iho-host ni Boy Abunda, The Rey Valera Story: Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko at mapapanood din si Doc Willie Ong sa Ang Inyong Lingkod.
Kabilang din ang Mga Kuwento Sa Dilim na si Aljur Abrenica ang bida at sa Colonel na life story ni Lt. Col. Jhun Ibay, Jr., isa sa mga nasa likod ng Juanetworx.
Join din si Chef Sheilla sa cooking show na The Soulful Kitchen Diva, at ang The Sari-Sari Store hosted by Bernie Batin.
Maraming nagandahan sa teaser ng Erotixa nina Christian Bables at Ali Forbes dahil thriller at ang aktres din ang bida sa Ang Huling Burlesk Queen.
Si Ms. Edith Fider ng Saranggola Media ang producer at kabilang din sa mga consultants sina Direk Joven Tan at Gregorio Serrano.
Mag-member na para maka-access na ang subscribers sa world class entertainment tulad ng movies, series, sitcoms, documentaries or visit www.juanetworx.com to register, download and install the application form and enjoy!