'Di raw alam ang ginawa… KIT, AFTER MUNTIK PATAYIN SI ANA, SINABIHAN NG MAHAL NA MAHAL
- BULGAR

- Apr 7, 2022
- 6 min read
ni Julie Bonifacio - @Winner | April 7, 2022

Mas klaro ang paglalahad ni Ana Jalandoni ng insidente ng pambubugbog sa kanya ng boyfriend na si Kit Thompson sa loob ng isang hotel sa Tagaytay City sa part 2 ng exclusive interview sa kanya ni Boy Abunda na mapapanood sa YouTube channel ng TV host.
Matagal na raw silang naka-book sa isang wellness spa sa Tagaytay, pero nito lang March 17 sila parehong nalibre ni Kit sa kanilang schedule.
Galing daw sa Palawan si Ana for a vacation at si Kit naman ay March 16 lumabas from locked-in taping.
Paalis pa lang daw sila ng bahay ni Ana, hindi na sila okey ni Kit. Iritable na raw si Kit nu’ng umaga pa lang na aalis sila papuntang Tagaytay. Pero si Ana, sobrang excited sa lakad nila ng BF.
Hindi naman nabanggit ni Ana kung sino ang kasama niyang nagbakasyon sa Palawan.
Sa biyahe ay panay na ang kausap ni Ana sa kanyang mga tao for update sa kanyang restaurant business, sa editor niya at sa handler niya tungkol sa gagawin niyang bagong movie sa Vivamax.
Tinanong daw ni Kit kung sinu-sino ang kasama ni Ana sa gagawin niyang pelikula at ano ang kanyang role.
Kuwento ni Ana, “Sabi niya (Kit), ‘So, ano? Papalamas ka na naman ng s*s*, ha? Gusto mo ba talaga, ginaganyan ka? Mga lalaki, hinahawakan ang s*s* mo? Hinahalikan ka, buong katawan mo?'”
Napamura raw si Ana at nakiusap na huwag naman siyang bastusin ni Kit. Trabaho lang daw 'yun kay Ana at walang malisya sa kanya. Hindi rin daw nagpo-frontal scene si Ana at meron siyang limitasyon sa pagpapaseksi.
Natapos ang pagtatalo nila nu'ng sabihin ni Ana na sasabihin niya sa kanyang direktor na hindi na siya magpapaseksi sa pelikula.
Kung si Ana nga raw ang masusunod, ayaw din niyang magpaseksi sa pelikula. Pangarap daw niyang maging action star. In fact, idol daw ni Ana si Angel Locsin.
Then, dumating na sila sa spa. Out of nowhere, bigla namang binanggit ni Kit ang social media account ni Ana. Pinagdudahan ni Kit ang mga nagme-message kay Ana na suitors niya.
Naipaliwanag ni Ana kay Kit na sa dami ng nagme-message sa kanya, ang aktor lang ang ni-reply-an niya at pumayag na makipag-date.
Hanggang sa nakapag-check-in na sila sa hotel. Ang saya-saya raw nila at napag-usapan ang mga gusto nilang gawin sa buhay. At doon sinabi ni Kit na gusto niyang pakasalan si Ana.
Naubos nila ang isang bote ng tequila habang nag-uusap. Pareho na raw silang lasing at makulit. Makulit na masaya ang description ni Ana sa moment na 'yun. At saka biglang nagsabi si Kit kay Ana na gusto niyang kumain.
Habang kumakain, sabi ni Kit kay Ana, “'Di ba iniwan mo ang ex mo? Hindi ba nakipaghiwalay ka sa kanya?”
Gaya ng mga naunang lumabas na pahayag ni Ana, sinabi raw ni Kit sa kanya na kapag siya ang iniwan ng sexy star ay papatayin niya ito. First time raw sinabi ni Kit sa kanya ang mga salitang "Papatayin kita."
Napakalma ulit ni Ana si Kit nu’ng in-assure niya sa boyfriend na hindi niya ito iiwan.
Pagkatapos ay pumasok sa bathroom si Ana dala ang isa niyang cellphone.
Kahit tipsy na, biglang pumasok daw sa isip niya na ipaalam sa kaibigan niya kung saan siya nandoon that time. Sinubukan niyang tawagan sa direct line ang best friend niyang si Victoria pero walang signal sa loob ng banyo kaya lumabas siya at pati na sa kuwarto nila ni Kit.
Sinubukan ulit niyang tumawag sa kanyang best friend habang nasa labas ng pinto ng kuwarto nila ni Kit, pero wala pa ring signal.
Naglalad-lakad daw siya sa hallway hanggang nakarating sa third floor sa kahahanap ng signal. And yet, wala pa rin daw signal sa third floor.
Pero 'di siya umalis at naghintay magkaroon ng signal saka pag-ring ng telepono niya. Hanggang sa nakaidlip daw si Ana sa kahihintay ng signal. Hindi niya alam na hinahanap na pala siya ni Kit.
Umalis si Ana sa kuwarto nila habang kumakain si Kit. Nakita si Ana ng guard ng hotel na nakaupo sa sahig ng third floor at agad na tinawag si Kit.
Tumakbo raw agad si Kit sa kanya, binuhat at saka pinasan sa balikat ng kanyang boyfriend.
Pagpasok sa kuwarto ay ibinato siya ni Kit sa kama.
“Pu@@@ mo! Saan ka galing?” sigaw daw ni Kit kay Ana, kasunod ang malakas na sampal.
Nagtanong si Ana kung bakit siya sinampal ni Kit. At sagot ni Kit, bakit daw siya iniwan ng girlfriend?
Nagpaliwanag si Ana kay Kit kung bakit siya umalis nu'ng biglang tabigin ng aktor ang kamay ng sexy star na hawak ang kanyang telepono.
Hindi naniwala si Kit sa sinabi ni Ana at kaliwa’t kanang kamay na pinagsasampal daw ang sexy star.
Nagawang lumaban ni Ana at nakalapit daw siya papunta sa pintuan. Pero nahatak daw siya ni Kit pabalik. Habang hatak-hatak pa raw siya pakaladkad sa sahig, inuumpug-umpog pa raw nito ang ulo ni Ana. Tapos, binuhat na raw siya ni Kit at inilapag sa kama.
“Naiiyak na ako noon. Sobrang shocked na ako. Sabi ko sa kanya, ‘Kit, tama na! Tama na!'”
Nagsisigaw daw siya that time. Pero nagtataka si Ana kung bakit walang kumakatok sa kuwarto nila. Kahit 2 AM na raw noon, kahimbingan ng tulog, maingay daw sila ni Kit habang sinasaktan siya. Nakapatong na nga raw si Kit sa mga balikat ni Ana habamg patuloy siyang sinasaktan.
“Kaya hindi na ako nakapalag. Ang laki ni Kit. Tinitira niya ‘yung mga mata ko, ‘yung mukha ko. Ito ‘yung sinisira niya,” sabay haplos ni Ana sa kanyang mukha.
Tuluy-tuloy daw ang sampal at suntok sa kanya ni Kit. And then, bigla na lang daw itong tumigil sa pananakit.
Dito sinabi ni Ana kay Kit na dalhin na siya sa ospital. At doon nakita ni Ana ‘yung Kit na kilala niya. Hinaplus-haplos na raw ni Kit ang mukha ni Ana.
“Sabi niya, ‘Sh*t! Nasaktan kita. Ano’ng ginawa ko? Mahal na mahal kita,'” tila may pagsisisi na sabi ni Kit kay Ana.
Lalo raw umiyak si Ana at tumayo naman daw si Kit saka sumigaw na galit na galit sa ginawa niya kay Ana.
Kumuha raw ng yelo si Kit at inilagay sa towel saka idinikit sa mata ni Ana. Maya-maya, nagmura na naman daw si Kit at idiniin pa raw sa bugbog na mata niya ang hawak nitong towel na may yelo.
Nagsimula na naman daw saktan ni Kit si Ana. Nakiusap si Ana na tumigil na si Kit pero tuluy-tuloy pa rin daw ito. Takot na takot naman daw si Ana.
Hanggang sa tumigil na raw ang aktor at si Ana naman ay wala nang lakas at halos maubos na ang hininga.
Nakiusap si Ana kay Kit na dalhin na siya sa ospital pero hindi raw pumayag si Kit at siya raw ang gagamot kay Ana sa loob ng kuwarto.
Tumawag pa raw si Kit sa reception para humingi ng gamot. Lumabas ito ng kuwarto at bumaba sa reception para kunin ang gamot.
Nakatulog daw silang pareho ni Kit nang biglang tila may humila kay Ana para bumangon. Sinubukan niyang tumayo para pumunta sa banyo at doon nagawa ni Ana na makapag-send ng message sa kanyang editor na si Felix.
Nagdasal daw si Ana habang mag-isa sa kuwarto. Maya-maya ay kumatok daw ang lady guard ng hotel at nakita siya na nakahiga sa kama. Doon nagsabi si Ana na tulungan siya.
Sabi ng lady guard, nandoon na raw ang mga pulis para tumulong sa kanya. Pagbaba ng lady guard, umakyat na si Kit. Sorry daw nang sorry sa kanya ang BF habang nasa harapan niya.
“Love, sorry… sorry… sorry. I was fucked up kagabi. Lasing ako. Hindi ko na-control,” sabi raw ni Kit kay Ana.
Nag-uusap sina Kit at Ana nu’ng kumatok daw ang mga pulis sa pinto. Hinarap sila ni Kit at tinanong ang aktor kung may Ana Jalandoni ba sa loob na nabugbog kagabi.
“Sabi niya, ‘Oho, girlfriend ko.’ Wait lang. Wait lang.’ Tapos, balik sa akin si Kit. Ang amo ng mukha niya. Sabi niya, ‘Love, pakulong mo ba ako?’ Sabi ko, ‘Bakit?’ Nand’yan ‘yung mga pulis.’ Nagmamakaawa siya. Sabi ko, ‘Deserved ko ba ‘to? Tingnan mo? Love mo ba ito?’
“Tapos ‘yun na, nu’ng kinuha na siya ng mga pulis, pinosasan na siya, nakatingin lang ako sa kanya. Umiiyak siya. Parang gusto ko siyang habulin kasi mahal ko, eh. Pero sinaktan niya ako. Ang hirap.
“Gusto ko siyang yakapin na parang ayaw ko siyang isama na parang gusto ko.
“Nahihirapan ako nu’ng time na ‘yun. Pero inisip ko ang sarili ko. Sinaktan niya ako. Wala akong kasalanan. Bakit niya ako ginanito?”
‘Yun na raw ang huling beses na nakita ni Ana si Kit. Pero nakapagpadala raw ng mensahe si Kit sa kanya sa Instagram.
Sa huli, tila halu-halo pa ang nararamdaman ni Ana para kay Kit.




Comments