‘Di pa totoong annulled… DARIA, MAY ‘K’ PA RIN SA PERA NI JOEY
ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | November 7, 2023

Marami ang naantig ang damdamin nang mapanood ang panawagan ni Daria Ramirez sa Ogie Diaz Inspires vlog para sa dating asawang si Joey de Leon na sana’y bigyan siya ng tulong-pinansiyal dahil nu’ng nagkahiwalay sila ay wala naman daw siyang natanggap.
Nitong Oktubre 31, Martes, ay in-upload ni Ogie ang panayam niya sa aktres na si Daria at nagkuwento ito tungkol sa paghihiwalay nila ni Joey na siya mismo ang nag-push na magpa-annul na sila para maging legal na ang pagsasama nito at ni Ms. Aileen Macapagal lalo’t may tatlo na silang anak.
Nabanggit pa na si Daria ang nag-file ng annulment pero natalo siya kaya’t napaisip siya nang mabalitaan niya sa news at social media na nagpakasal na sina Joey at Aileen dahil wala siyang pinirmahang annulment papers.
At dahil dito ay nanawagan si Daria kay Joey na bigyan siya ng tulong at kopya ng annulment papers para naman maging legal na rin siyang single at hindi na niya gagamitin ang apelyido ng dating asawa.
Napansin ito ng vlogger na si Consuelito John Gaviola, isang political calisthenics, at punto per punto niyang ipinaliwanag batay sa kanyang pagkakaintindi na ayon sa batas ay may karapatan si Daria sa anumang pag-aari o properties ngayon ni Master Henyo Joey de Leon.
Hindi binanggit ni Daria kung anong grounds ng isinampa niyang annulment laban kay Joey kaya naisip ni G. Gaviola na mental illness or psychological incapacity ito, dahil imposibleng fraud, absence of parental consent kapag nagpakasal, nagkasakit ng STD o sexually-transmitted-disease at iba pa ang dahilan.
Obviously ay pagkakaroon ng ibang babae ang sagot, pero hindi pala grounds for annulment sa Pilipinas ang infidelity, dahil under na ito sa psychological incapacity to fulfill obligations tulad ng hindi pagbibigay ng panggastos sa bahay at nagbubuhat ng kamay kapag nasa impluwensiya ng alcohol.
“Malamang, ‘yan ang reason ni Daria Ramirez sa kanyang pagpa-file ng annulment kay Joey de Leon, pero siya po ay talo. So, ang ibig sabihin ay walang annulment na naganap.
“So, kung walang annulment na naganap, ano po ang magiging epekto nito sa kanyang reklamo ngayon? Kasi ang sabi niya (Daria), ‘Ayaw ko nang maghabol, may-edad na kami, matanda na kami.’ Pero kahit hindi po siya maghabol by operation of law, (at) kung sakali pong pumanaw itong si Joey de Leon ngayon, ang mangyayari po d’yan, lahat po ng properties ni Joey de Leon at kayamanan niya at hindi niya ito naayos ay posibleng masilip ito ng abogado at tulungan si Daria na malaki ang tsansa na makuha nito ang pag-aari ni Joey, batay po sa sinasabi ng batas, sapagkat siya pa po ay legally married na asawa at hindi si Aileen Macapagal,”paliwanag ni G. Gaviola.
Idiniin din ng vlogger na hindi sapat na dahilan na dahil matagal na kayong hiwalay ay ibig sabihin, wala nang obligasyon ang bawat isa, lalo na kung hindi legal ang paghihiwalay.
Aniya, “Actually, para po sa kaalaman ng marami, kahit po physically hiwalay kayo ng 20 years, 30 years o 40 years, hangga’t hindi po na-annul ang inyong kasal o napapawalang-bisa ang kasal at lahat ng properties, kayamanan, rights and by operation of law ay hindi na po kinakailangang mag-file dahil mapupunta po sa legal na asawa. At kung ano’ng meron si Joey de Leon ay conjugal property nila ni Daria Ramirez at may unang karapatan diyan ang mga anak nilang sina Keempee at Cheenee de Leon.
“Sabi pa ni Daria ay hindi niya alam kung sila’y talagang annulled na dahil wala siyang pinirmahan at naniniwala po ako kung talagang wala siyang pinirmahan at nagsasabi siya ng totoo ay naniniwala akong hindi pa sila annulled.
“Sapagkat bago po magkaroon ng final decision ng annulment ay meron munang tina
tawag na legal separation. So, ibig sabihin ay idineklara na kayo ng church na separated na at bago po i-finalize ang desisyon sa annulment ay magkakaroon na po ng distribution of properties.
“So, kung walang natanggap si Daria Ramirez kahit na singkong duling mula kay Joey de Leon, ang ibig pong sabihin ay hindi sila annulled.”
Maraming celebrities na ganito ang naging kaso at ginawang example ni G. Gaviola ang paghihiwalay nina Kris Aquino at James Yap na malaki ang nakuhang alimony ng basketbolista na umabot daw sa P60 M dahil mas mayaman ang Queen of All Media that time.
Isinama rin sina Gabby Concepcion at Sharon Cuneta na mas malaki rin ang natanggap ng aktor dahil sa panahong iyon ay mas malaki ang kita at yaman ng aktres.
Kaya ang punto ni G. Gaviola ay kung tunay na walang pinirmahang annulment papers si Daria ay sina Keempee at Cheenee de Leon ang legit na mga anak ni Joey at ang mga anak daw nito kay Aileen ay illegitimate at malaki ang bahaging mapupunta sa mga lehitimong anak kapag nagkaroon na ng partehan.
“Malaking bagay po ‘yan sapagkat kung magkakaroon ng partehan ng properties kapag pumanaw si Joey de Leon at kung ito’y tig-P100 million ang makukuha nila (kasama si Daria) ay kalahati lang po ang makukuha ni Aileen at ‘yan po ang sinasabi ng batas.”
Isa pang nasilip ng vlogger ay ang pagpapakasal nina Joey at Aileen.
“At kung hindi pa nga annulled sina Joey at Daria ay may na-commit na criminal offense sina Aileen at Joey, ito po ay bigamous marriage na ibig sabihin ay nagpakasal ka (Joey) sa dalawang tao na ibig sabihin ay punishable under the revised penal code.
“Kaya puwedeng maghabol si Daria Ramirez provided na sinasabi niyang wala siyang pinirmahang papeles,” diin nito.
Anyway, base na rin sa kuwento ni Daria kay Ogie ay ayaw ni Joey na pinangungunahan siya pagdating sa decision making, hindi rin daw ito tumatanggap basta ng katwiran kaya malamang na psychological incapacity nga ang grounds sa kasong isinampa ng aktres.
Bukas ang BULGAR sa panig nina Joey de Leon at Aileen Macapagal o sinuman sa kampo nila.





Comments