'Di pa raw kasal, pero… RONNIE AT LOISA, MAY JOINT ACCOUNT NA SA BANGKO
- BULGAR
- Nov 27, 2022
- 3 min read
ni Julie Bonifacio - @Winner | November 27, 2022

Nagbukas ng bagong business ang reel-and-real love team na sina Loisa Andalio at Ronnie Alonte, ang Farron Café located at Jade Building sa Molino Highway sa may Molino III, Bacoor City.
Ito ang kauna-unahang joint business venture ng magdyowa at first coffee shop din ng Farron Café.
Ayon kay Loisa, “Kasi siyempre, ‘pag tumatanda… ‘Pag tumatanda? Hahaha! Kapag nagkakaedad ka na talaga, mari-realize mo rin kung ano pa ‘yung gusto mong gawin. Kasi nasa pagsho-showbiz kami ni Ronnie, umaarte, nagpe-perform.
“So, behind that, gusto namin na may iba rin kaming pinagkakaabalahan habang naggo-grow kami bilang tao rin talaga, hindi lang sa showbiz.”
Sinegundahan naman ni Ronnie si Loisa.
“Ayun, tama. Tama kasi hindi naman habambuhay, nand’yan ka sa showbiz. Kailangan nating magnegosyo para siyempre, may back-up plan,” say ni Ronnie.
Bukod doon, iba pa rin daw kapag gusto talaga ng isang indibidwal ang ginagawa niya.
“Endorser na kasi ako before ng Farron, even before pandemic pa lang po. Tapos, nu’ng nagka-pandemic, naisip namin na baka puwede na tayong mag-open ng café. Kasi ‘yung Farron po talaga, before ano siya, 'yung stall sa mga malls,” lahad ni Loisa.
Dagdag pa niya, “Sila talaga ‘yung nasa ilalim ng elevator. Wala po silang malaking store talaga. Kaya naisip namin na, ‘Uy, gawa kaya tayo ng café sa Farron?'”
Taong 2020 pa lang ay nasa plano na nila ang magtayo ng coffee shop. Pero, na-delay ang pagbubukas nila ng kanilang Farron Café Shop dahil sa pandemya.
“Opo, may ganoon din. Bawal pang lumabas, ‘di ba? So, sabi namin, after ng pandemic, ‘pag nag-normal na, ‘yung back to normal na, eto ‘yung puwede nating pagkaabalahan,” kuwento ni Loisa.
Tinanong namin ang mag-partner in life, personal and business, kung paano ang sharing nila sa investment at kitaan at kung may iba pa silang kasosyo sa kanilang coffee shop.
“Kami lang po,” sambit ni Loisa. “Actually, kami ni Ronnie, may sarili na po kaming savings.
Meron na kaming savings account sa bangko.”
Saad ni Ronnie, “Doon na siya pumapasok (sa joint account nila sa bangko).”
Nag-open daw sila ng joint account kung saan nakalagay ang perang in-invest nila para sa kanilang business. Kaya huwag daw munang mag-isip ang iba na nag-open sila ng joint account sa bangko dahil nagpakasal na sina Loisa at Ronnie.
“Pang-business lang po,” ngiti ni Ronnie.
Pahayag ni Loisa, “Saka maganda ‘yung nakakapag-ipun-ipon. Pagkatapos magnegosyo, ipon. At para ‘pag magta-travel kami, doon na lang namin kukunin. Pang-travel, pangkain, pang-labas-labas.”
Nagpaliwanag din ang manager ni Ronnie na si RB Changco kung bakit naisip ng magkasintahan na mag-partner sa business.
Esplika ni RB, “When the pandemic started, parang Ronnie and Loisa were telling me na hindi lang dapat ito ang career path nila, pag-aartista. They should have another venue to earn money.
“And then, ang history kasi noon, endorser sila ng Farron and then they saw the potential of the brand. So parang at the client’s end na alam nila, they believe na malakas, so, they started venturing with the same company.”
Biniro namin ang dalawa na pang-travel lang pala nila ang kikitain sa kanilang coffee business.
“Hindi naman,” masayang tugon ni Ronnie. “Extra income rin sa personal savings namin.
Saka ito ‘yung mas tuluy-tuloy kesa sa showbiz na kapag wala kang ginawa, eh, hindi umaandar ‘yung income mo, hindi umiikot. So, ito ‘yung laging umaandar kahit wala kaming work.”
Inayunan ni RB si Ronnie sa sinabi ng Kapamilya actor.
Say ni RB, “Iba na rin kasi ang work ngayon, naka-canned na ang mga teleserye at movies.
So, meron silang two months na diretso work. Siyempre, habang ipinapalabas, tengga na sila sa bahay. So, eto ‘yung tengga nila. So, they’re working as an actor and actress pero after that, meron silang mapupuntahan dito, ganyan.”
Maaga pa lang ay nakapila na ang mga fans nina Loisa at Ronnie sa labas ng Farron Café.
Next year, target ng magdyowa na magbukas ng tatlong branch pa ng Farron Café nationwide. At kung papalarin, posibleng mas higit pa sa tatlo ang mabuksan nila.





Comments