'Di pa ka-level nina Dingdong at Dennis… ALDEN, FEELING UNTOUCHABLE NA
ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | May 11, 2023

Talagang nakakaalarma ang mga naglalabasang kuwento ngayon tungkol sa Pambansang Bae na si Alden Richards.
Nagsimula nga ito sa mga "Hawi Boys" na bumakod kay Alden noong pormal na ipinakilala ang aktor bilang endorser ng isang beauty products brand.
Labis na nanibago ang entertainment press nang biglang hinarang at ipinatigil na ang interview kay Alden at mabilis na nga itong hinila ng kanyang handler.
Nagulat ang mga reporters dahil nasanay na sila na hindi maramot si Alden sa pagpapaunlak ng interview sa media at hindi nga ito namimili kung kanino magpapa-interview.
Kaya naman, sobrang disappointed ang media sa mga "Hawi Boys" na pumaligid kay Alden sa nasabing event at dahil sa nangyaring 'yun ay tila nagkaroon na ng negatibong imahe ang aktor sa publiko.
At ang hindi kaaya-ayang insidente na 'yun ang unti-unting sumisira sa reputasyong matagal na pinaghirapan at pinagtrabahuhan ni Alden.
Hindi tuloy namin maiwasang malungkot sa nangyayari ngayon sa Pambansang Bae.
Baka nga isang araw ay magising na lang ang aktor na hindi na siya pinagkakaguluhan ng mga fans at wala na ring interes pa ang media na ma-interview siya.
Magpakatotoo na tayo, anytime ay puwedeng may pumalit sa puwesto ni Alden at hindi naman habambuhay ay sikat siya.
Tandaan, bilog ang mundo, kung ngayon ay nasa itaas ka, bukas, maaari ka ring mapunta sa ibaba.
Sana nga ay magising na si Alden sa katotohanan na may mga anay sa kanyang paligid na posibleng maging dahilan sa tuluyang pagkawasak ng career niya.
Ang mga taong ito raw ang nakabakod at nakapaligid sa aktor ngayon. Dapat na agapan agad ito ng GMA Network bago tuluyang mawalan ng gana ang madla kay Alden.
Kahit nga noong kasikatan ng AlDub love team ay nanatili ang pagiging mapagkumbaba ni Alden, kaya labis kaming nagtataka sa mga pagbabagong nagaganap ngayon sa aktor.
Tingnan na lang natin sina Dingdong Dantes at Dennis Trillo na kahit matagal na sa industriya at marami nang napatunayan ay hindi nagbago ang pakikitungo sa kanilang mga fans at sa media.
At walang "Hawi Boys" na nakabakod at nakapaligid sa dalawang aktor na ito sa tuwing sila ay dumadalo sa mga events.
Kung gusto ni Alden na magtagal ang kanyang showbiz career ay dapat na tularan niya ang attitude nina Dingdong at Dennis.





Comments