'Di naman daw nahirapan… SUE, NAKATIKIMAN NA ANG MATAGAL NANG CRUSH NA SI ZANJOE
ni Vinia Vivar - @Frankly Speaking | January 14, 2022

Muntik nang hindi gawin ni Sue Ramirez ang eksena nila ni Jodi Santamaria sa The Broken Marriage Vow kung saan ay kinailangan niyang batukan ang aktres.
Siyempre, bilang inirerespeto niyang aktres at iniidolo pa, nag-aalala si Sue na baka masaktan niya si Jodi.
“I was really hesitant to do it,” kuwento ni Sue sa kanyang solo digital mediacon last Wednesday.
“Kaya naman siguro naming i-acting na lang ni Ate Jodi, eh. Pero she told me na ‘Sue, gawin mo. Gawin mo talaga. Okay lang ako.’ And then, in-instruct niya pa ‘ko kung saang part sa head na medyo hindi sensitive.
“I was really scared! Ang liit kaya ng ulo ni Ate Jodi kung alam n’yo lang. Gamunggo po siya, guys,” natatawang sabi ni Sue.
Sobrang na-pressure raw talaga siya na gawin ang eksena.
“Alam mo ‘yun, konting pagkakamali, ulo ‘yun. So, ang laki ng pressure sa akin. Lokang-loka ako. Sabi ko, ‘Batok talaga?’ Nakakaloka! Bawal ngang masahehin ‘yung batok, tapos mambabatok pa ‘ko, ano ba ‘yan?” sey niya.
Pero wala naman daw siyang choice kundi gawin ang eksena.
“Kailangan ko siyang gawin dahil ginawa siya sa lahat ng versions ng Dr. Foster. So, bongga ‘yung eksena na ‘yun. Kailangan, crucial siya.”
Pero kahit tinotoo niya ang batok kay Jodi ay may alalay pa rin and talagang one take lang nila kinuha.
Makikita sa trailer ang nasabing eksena na talaga namang pinag-uusapan ng mga netizens.
Ang The Broken Marriage Vow ang Pinoy remake ng hit Korean drama na The World of the Married or Dr. Foster. Ginagampanan ni Sue ang role na ‘other woman’ na si Lexi.
Bukod sa batok scene niya with Jodi ay matitindi rin ang intimate scenes ni Sue with Zanjoe Marudo na leading man nila ni Jodi.
Aminado si Sue na matagal na niyang crush si Zanjoe at hindi naman naging mahirap sa kanya na gawin ang mga love scenes nila dahil sobrang inalalayan daw siya ng aktor bukod pa nga sa may tiwala siya rito.
“Hindi ko naramdaman na kinailangan kong mailang dahil hindi niya ‘ko binigyan ng dahilan para maramdaman ko ‘yun,” she said.
Ipapalabas na ngayong Jan. 24 ang The Broken Marriage Vow sa Kapamilya Channel, TV5, A2Z, Kapamilya Online Live on ABS-CBN Entertainment’s YouTube channel and Facebook page, iWantTFC, and TFC.





Comments