'Di na hawak sa leeg… KARLA, HAPI NA NAKAWALA NA SA DOS
ni Vinia Vivar - @Frankly Speaking | July 21, 2022

Nilinaw ni Karla Estrada ang tsikang kumakalat na lilipat na siya sa Villar Network at magsasama sila ni Toni Gonzaga sa isang show.
Pabiro niyang sey nang makausap namin sa grand mediacon ng Maid in Malacañang, mabuti pa raw kami at alam namin samantalang siya ay walang alam.
“Kumalat na sa inyo, sa ‘kin, ‘di pa nakakarating,” natatawa niyang sambit.
“Wala pa, magpo-focus muna ‘ko sa aking YouTube channel para dito sa ating… Actually, mas malaya kasi ako, eh, na nakakapag-show sa YouTube channel ko sa usaping pulitiko.
“Kasi ‘di ba, sa TV, maingat sila, hindi sila basta-basta nakakapagpalabas? Sa mga network stations, hindi tayo basta-basta nakakapagpalabas ‘pag pulitiko ka.
“Kaya mas malaya akong makapagpalabas sa buhay-pulitika ko sa YouTube channel ko,” paliwanag ni Karla.
Matatandaang nanalo ang Tingog Partylist nitong nakaraang eleksiyon kung saan ay tumakbo siya bilang third nominee. Kaugnay nga nito ay tuluyan na siyang nagpaalam sa Magandang Buhay.
Pero ikinatutuwa raw niya ang nangyayari ngayon na tila nawawala na ang network war at mukhang nagkakaroon na ng pagkakaisa.
“Napapalabas na tayo sa ibang mga stations na dapat ganu’n. Sana, maging ganu’n na para hindi tayo naka-kahon sa isang station,” aniya.
Nilinaw din niya na ang anak niyang si Daniel Padilla ay mananatiling Kapamilya.
“Ang family namin ay talagang. . . grateful kami sa Kapamilya. Hindi ko na ie-elaborate pero grabe ang pinagsamahan namin,” she said.
Dahil napag-usapan na nga si Daniel, natanong namin si Karla kung mag-aasawa na ba ang kanyang anak at ayon sa aktres ay gusto na nga raw niya dahil gusto na niyang magka-apo.
“Gusto ko na nga. Kasi bata akong nagkaroon ng Daniel. 'Di ba, beinte (20 years old) lang ako nu’n,” sey niya.
Dagdag pa niya, “Gusto ko na para siyempre, may lakas ka pang ma-enjoy ‘yung apo mo.”
Ready na raw siyang maging lola at ang malaking tanong na lang daw ay kung ready na rin ba sina Daniel at Kathryn Bernardo na maging magulang.
“Sila ang makakapagsabi nu’n, hindi ako,” sey niya.
Samantala, si Karla ay gumaganap na isa sa yaya ng pamilya Marcos sa Maid in Malacañang bilang si Yaya Santa.
Ang kuwento ng pelikula ay tungkol sa last 72 hours ng mga Marcoses sa Malacañang. Ipapalabas na ito worldwide on Aug. 3 mula sa direksiyon ni Darryl Yap.





Comments