top of page

‘Di mapakali sa pictorial… MAJA, HIYANG-HIYA KAY PIOLO DAHIL SA AMOY NG HININGA AT KILIKILI

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 22, 2021
  • 3 min read

ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | February 22, 2021





Matagal na palang pangarap ni Maja Salvador na makasama si Piolo Pascual sa pelikula, na sa tagal nilang pareho sa ABS-CBN ay hindi sila nabigyan ng pagkakataon.


Oo nga’t sa Sunday Noontime Live sila nagkasama na umere sa TV5, pagkalipas naman ng tatlong buwan ay nawala rin agad ang show.


Sabi nga ni Maja, “Hindi lang natuloy ang love team na ito pero may mga fans na kami, PioDor (Piolo at Salvador) at PioMaj (sabay kaway sa kamera). Alam kong tahimik lang kayo pero matatalo natin ang KathNiel, but we can’t help it, there’s the perfect chemistry.”


Dinayo ni Maja si Piolo sa bahay nito sa Batangas kung saan naglalagi ang aktor dahil nawiwiling magtanim sa napakalawak niyang bakuran na tabi ng dagat.


Si PJ kasi ang guest ni Maja sa kanyang YouTube channel na Meet Maja pagkalipas ng ilang buwan nitong hindi naging aktibo sa showbiz.


Sa vlog, ang challenge ni Maja kay Piolo ay gagayahin nila ang pose ng mga bida ng movie sa poster.


Unang ipinagawa ang movie poster ng Dirty Dancing nina Patrick Swayze at Jennifer Grey noong 1987 at nako-conscious si Maja sa kilikili niya dahil nakadikit ito kay Piolo base sa pose ng dalawang bida sa pelikula.


“Teka, baka kita na ‘yung baskel ko (sabay tingin ni Piolo). ‘Wag mo nang tingnan, hindi pa nag-shave,” natawang sabi ng aktres na ikinatawa rin ng aktor.


Ang Titanic poster nina Leonardo DiCaprio at Kate Winslet noong 1997 na nakapatong ang mukha ng aktor sa leeg ng aktres ang sumunod, pero hindi magawa-gawa ng dalawa dahil nakikiliti si Maja.


“Teka, may kiliti pa naman ako sa leeg, wait lang (sabay halik ni Piolo sa leeg ng dalaga), Papa P. Wait, 7 seconds, dali!” saway ng aktres sa aktor.


Sumunod ang The Notebook (2004) na lukang-luka si Maja dahil magkaharap ang mga mukha nina Ryan Gosling at Rachel McAdams na akmang maghahalikan. Nakabuka pa ang bibig ng aktres.


Protesta ni Maja, “Uy, huwag kayong ganyan! Penge naman ng gargle (mouthwash),” at tawa lang nang tawa si Piolo.


Sabi ni PJ, “Intense (kuha), dapat basa muna tayo, Maj.”


Parehong basa sina Ryan at Rachel nang kunan ang poster dahil galing sila sa dagat.


Kaya hirit ni Maja, “Halika, swimming muna tayo,” sabay amoy sa hininga niya dahil nahiya siya kay Piolo, “Teka lang, puwede naman.”


Tawang-tawa si Piolo dahil halatang conscious si Maja at ayaw ibuka ang bibig at kaagad na bumibitaw sa pagkakahawak ng aktor.


Sambit ni PJ, “Comedy naman ‘yan.”


“Nakanganga ‘yung babae (Rachel), ‘di ba? Hindi ko manganga, nagkape kasi ako, so baka ‘yung ano, coffee breath. So, baka hindi na matuloy ‘yung mga pelikulang hinahangaan kong magawa kay Papa P.,” ani Maja at tawa lang nang tawa si Piolo.


Tsinek ni Maja ang kilikili, “Grabe, pinagpapawisan na ako.”


Samantala, inamin ni Piolo na ang Dekada ‘70 noong 2002 ang pinaka-memorable movie niya sa buong karera niya.


“I tried to back out so many times kasi dinadaga ako ru’n,” pagtatapat ng aktor.


Mukhang para sa kanya talaga ang pelikula dahil hindi kumuha ng iba. At higit sa lahat, nakailang Best Supporting Actor award si Piolo sa pelikula tulad ng 2002 Metro Manila Film Festival, PMPC Star Awards, FAP/Luna Awards, Gawad Tanglaw, Young Critics Circle at Gawad Pasado.


Para kay Maja ay ang pelikula ni Rep. Vilma Santos-Recto ng 6th District ng Batangas na Anak ang paborito niya dahil gusto niyang makasama ang nag-iisang Star for All Seasons sa project.


Kuwento ni Maja, “Kasi nakasama ko si Mommy Vi sa MMK pero feeling ko, bitin pa ako ru’n. Saka siyempre, lumaki tayo sa mga (kilalang aktres) Diamond Star, Megastar (say ng aktor), Superstar. Lahat ng star, gusto nating makatrabaho.”


Tanong ni PJ, “Nakasama mo na si Ms. Mary, si Inay Maria?”


“Hindi, dream ko nga dati, magpasampal du’n, eh,” say ng aktres.


Sabi ng aktor, “Nasampal ako nu’n, grabe, binugbog ako, (sa) Mila (2001), masakit, mabibingi ka.”


Si Jericho Rosales ang nakatikim ng malakas na sampal ni Maja nang gawin nila ang seryeng The Legal Wife nu’ng 2014.


“Sabi niya (Echo) ‘Tingnan mo ‘yung kamay mo, bakat na bakat, oh, saka hindi kita naririnig ngayon kasi hanggang ngayon, may ting (ugong),” kuwento ni Maja.


Ang sumunod na ginaya nilang pose ay ang poster ng One More Chance nina John Lloyd Cruz at Bea Alonzo noong 2007.


Parehong nakataas ang mga braso ng dalawang bida kaya sabay sina Maja at Piolo na tsinek ang kanilang mga kilikili at sabay punas pareho.


‘Kaaliw!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page