'Di lang si Maja… COCO, NASA TV5 NA RIN

ni Beth Gelena - @Bulgary Files | March 9, 2021

Tumigil na rin ang mga sitsit tungkol kay Maja Salvador na kesyo lilipat sa GMA-7.
Ipinakikita na kasi ang teaser ng sitcom na pagsasamahan ni Maja at ni Empoy Marquez sa TV5, ang Nina Nino na ipapalabas na sa April 12, ayon sa TV5 management.
Magiging back-to-back daw ng programa ni Maja ang action serye ni Coco Martin na FPJ’s Ang Probinsyano.
Dating nasa cast ng AP si Maja sa character niyang si SPO1 Glen Corpuz, ang best friend ni Cardo Dalisay (Coco).
Speaking of Coco, talagang ang lakas ni Cardo dahil hanggang Kapatid Network ay umabot ang kanyang serye.
Sa ASAP nu’ng Linggo ay panay ang imbita ng mga hosts na panoorin ang primetime bida ng Kapamilya Network sa TV5.
Sa voice over ni Robi Domingo ay "Humanda na bukas dahil ang lakas ni Cardo, aabot na hanggang Singko!"
Hindi naman nakaligtaan ni Coco na isama sa kanyang imbitasyon ang A2Z dahil ipinalalabas din dito ang Ang Probinsyano.
Sabi ng aktor, "Mga Kapamilya, mga Ka-A2Z at mga Kapatid, maraming-maraming salamat po sa higit limang taon na pagsuporta at pagmamahal ninyo sa FPJ’s Ang Probinsyano.
"Kayo po ang dahilan kung bakit lalo pa po naming pinagbubuti ang aming trabaho at dahil du'n, mas marami pa po kaming sorpresa sa inyo."
So, hindi totoong magtatapos na ang action serye ni Coco.
Patunay ang sinabi niyang mas marami pa raw silang sorpresa sa kanilang programa.





Comments