top of page

‘Di lang pala P1.3T kundi P1.7T ang na-scam sa flood control projects, grabe!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 9 minutes ago
  • 3 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 23, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


DAPAT IPAKULONG NG MARCOS ADMIN SI ROMUALDEZ, KUNG HINDI ITO GAGAWIN BAKA DIYAN NA MA-PEOPLE POWER SI PBBM -- Sana hindi “ningas kugon” lang ang sinabi ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na pati ang kanyang pinsan na si Leyte Rep. Martin Romualdez ay mahaharap sa mga kasong plunder at bribery, at kasunod nito ang rekomendasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Ombudsman na isama na ito (Romualdez) sa sampahan ng mga kaso.


Nais nating ipunto ay dapat tuluyan ng Marcos admin na kasuhan at ipakulong si Romualdez dahil kung ang lahat ng mga sangkot sa flood control projects scam ay nakasuhan at nakakulong na sa city jail, pero si Romualdez ay wala pang kaso at hindi pa naikukulong, siguradong kay PBBM magbu-boomerang at baka diyan na totoong ma-People Power siya at mapatalsik sa Malacañang, period!


XXX


HINDI LANG PALA P1.3T KUNDI P1.7T ANG NA-SCAM SA FLOOD CONTROL PROJECTS MULA YEAR 2016 HANGGANG 2025 -- Hindi lang pala P1.3 trillion ang na-scam ng mga kurakot sa flood control projects, kundi ayon kay ICI Commissioner Rogelio Singson, sa nakalipas na 10 taon (year 2016-2025) ay higit sa P1.7 trillion ang ninakaw ng mga scammer sa kaban ng bayan, at ang statement na ito ng ICI commissioner ay tumutugma sa sinabi ng kontraktor na si Sarah Discaya sa Senate Blue Ribbon Committee noong Sept. 1, 2025 na nagsimula silang magkamal sa Dept. of Public Works and Highways (DPWH)-flood control projects noong year 2016 onwards.


Pagpapatunay ang statement na iyan ni ICI Comm. Singson at sa sinabi ni Mrs. Discaya sa Senate Blue Ribbon Committee na nag-umpisa ang flood control projects scam sa panahon ng Duterte administration dahil year 2016 nang maging pangulo ng Pilipinas si former Pres. Rodrigo Roa Duterte (FPRRD), tsk!


XXX


KAPALMUKS SI ZALDY CO, MATAPOS ‘MANG-SCAM’ NG BILYUN-BILYON SA PERA NG BAYAN, GUSTO NIYANG ITURING NA VIP, I-HOUSE ARREST NA LANG DAW SIYA -- Sabi ni Atty. Ruy Rondain, abogado ni former Cong. Zaldy Co na uuwi lang daw ito sa ‘Pinas kung papayagang magpiyansa at ma-house arrest sa mga kaso niyang malversation of public funds through falsification of public documents at mga graft cases na pawang no bail.


Kapal din ng mukha ni Zaldy Co, kasi matapos niyang ‘mang-scam’ ng bilyun-bilyong pera ng bayan at magbuhay hari, magbuhay reyna ang kanyang misis at magbuhay prinsesa at prinsipe ang kanyang mga anak, eh, siya pa ang may ganang humingi ng kondisyon sa mga kinakaharap niyang kaso, gusto niya VIP siya, sa mansyon na lang niya daw siya ikulong, pwe!


XXX


KAPAG NAKANSELA ANG PASAPORTE, DALAWA ANG PUWEDENG MANGYARI KAY HARRY ROQUE, I-DEPORT SIYA NG THE NETHERLANDS O HULIHIN NG INTERPOL, BITBITIN PABALIK NG ‘PINAS -- Matapos hatulan ng korte ng habambuhay na pagkabilanggo si former Mayor Alice Guo dahil sa kasong qualified trafficking in person kaugnay sa pagkakasangkot nito sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Bamban, Tarlac at ianunsyo ni Sen. Sherwin Gatchalian na kumikilos na ang Dept. of Justice (DOJ) para kanselahin ang pasaporte ni former presidential spokesman Harry Roque na kasalukuyang nasa The Netherlands, na may kaso rin na qualified trafficking in person sa pagkakasangkot naman niya sa POGO sa Porac, Pampanga, ay muli siyang (Harry Roque) nanawagan kay PBBM na bumaba na sa puwesto at isalin na ang pamamahala ng Pilipinas kay VP Sara Duterte-Carpio.


Ang problema ni Roque walang plano si PBBM na isalin kay VP Sara ang pagiging presidente ng bansa, kaya’t asahan niya na kapag kanselado na ang kanyang pasaporte, dalawa ang puwedeng mangyari at ito ay i-deport siya ng The Netherlands o kaya hulihin at bitbitin ng Interpol pabalik ng ‘Pinas, abangan!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page