top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

‘Di lahat puwedeng manalo, tanggapin ang pagkatalo at makiisa

BULGAR
May 11, 2022
3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | May 11, 2022


Tapos na ang eleksyon, bagama’t hindi pa opisyal ang resulta sa nasyunal ay maraming mga bayan at siyudad ang opisyal nang iprinoklama ng Commission on Election (Comelec) bilang mga bagong halal na opisyal.


Bagama’t partial at unofficial pa rin ang naglalabasang bilang para sa pagkapangulo, pangalawang pangulo at mga senador ay halos alam na natin ang patutunguhan ng bilangan at kung may pagbabago man ay inaasahang hindi na nito mababago pa nang malaki.


Bago pa man humantong sa pagsasara ng bilangan na pinamamahalaan ng Comelec ay tinalakay na natin ang usapin hinggil sa ating mga kababayan na napadpad sa bahagi ng mga hindi pinalad na kandidato.


Hindi tayo nagkulang sa paalala bago pa man dumating ang araw ng eleksyon na dapat ay matuto tayong tumanggap ng pagkatalo dahil kailangang sundin ang kagustuhan ng nakararami at hindi ng iilan lamang.


Isa sa hindi kaaya-ayang pangyayari ay nang magsagawa ng protesta ang ilang grupo sa tapat mismo ng kapilya ng Iglesia Ni Cristo (INC) sa Quezon City dahil hindi nila nagustuhan ang inilabas na line-up ng mga kandidato na nais nilang suportahan, ilang araw bago mag-eleksyon.


Maliwanag na panghihimasok ito sa karapatan ng mga kaanib ng INC sa gusto nilang iboto at alam naman nating simula’t simula pa ay nagkakaisa sila sa pagpili ng kandidatong susuportahan at dapat natin itong igalang.


Ito ‘yung sinasabi kong hindi pa man din nagsisimula ang eleksyon ay nagsasagawa na ng mga pagkilos na posibleng humantong o pagsimulan ng kaguluhan dahil sa hindi tamang pagtanggap sa katotohanan at nais lamang nila ay umiral ang kanilang kagustuhan.


Walang dapat sisihin kung anuman ang maging resulta ng halalan dahil ito ang kagustuhan ng nakararami nating kababayan at resulta ito ng mapayapang halalan kaya dapat nating igalang at sundin nang walang pag-aalinlangan.


Tila nakasanayan na kasi ng mga kababayan nating nahanay sa grupo ng mga natalong kandidato ang gumawa ng ingay at walang tigil na pagsilip sa panahon ng panunungkulan ng mga halal na kandidato partikular sa pagka-pangulo at bise.


Sa halip na magkaisa at sama-samang suportahan kung sino ang nahalal para mas maging madali ang progreso ay mas pinipili pa ng ilan na pondohan ang pagkilos at pag-iingay ng ilan nating kababayan na hindi matanggap ang kanilang pagkatalo.


Gusto ko lang ipaalala na wala tayong partikular na grupo o mga tao na pinatutungkulan sa panulat nating ito dahil sa bago pa man maghalalan ay ipinapaalala ko na ito hanggang ngayon na hindi pa opisyal ang resulta ng bilangan.


Ngayong unti-unti nang lumilinaw ang resulta ng halalan ay mabuting unti-unti na rin nating tanggapin na hindi lahat ay puwedeng manalo at huwag nating isipin na hindi na uunlad ang bansa kung hindi nanalo ang gusto nating kandidato.


Dapat nating papurihan ang pamunuan ng Comelec, mga guro, ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) at higit sa lahat ang sambayanan na kahit may ilang kaguluhang naganap na may kaugnayan sa halalan ay maituturing pa ring payapa at matagumpay sa kabuuan ang nagdaang halalan.


Sabagay hindi naman na nakakabigla ang naging resulta ng halalan dahil sa simula pa lamang ng kampanya ay naglalabas na ng resulta ang mga nangungunang survey firm sa bansa at halos iisa ang resulta ng kanilang survey.


Kaya lamang ay nanindigan ang maraming kandidato partikular ang mga lumalabas na kulelat sa survey na hindi umano sila naniniwala sa mga survey bagkus ay makabubuti umanong hintayin na lamang ang resulta ng halalan.


At dumating nga ang tamang panahon na nagsalita na ang sambayanan sa nais nilang mamuno bilang pangulo at pangalawang pangulo na sa huling pagkakataon ay napatunayan na ang naglalabasang mga survey ay totoo.


Ngunit sa napakahabang karanasan ko sa larangan ng pulitika ay inaasahan nating sa kabila ng napakalaking kalamangan sa resulta ng bilangan at walang nakitang kahit bahagyang bahid para pagdudahan ang resulta ng halalan ay hindi maiaalis na may maglalabasang indibidwal o grupo na magbibigay ng mga pahayag para dungisan ang kredibilidad ng nagdaang halalan.


Hindi makukumpleto ang proseso ng halalang ito kung hindi magbibigay ng mga pahayag na puwedeng pagsimulan ng mga pagdududa ang resulta ng halalan at pilit na hahanap ng pagkakataon para makagawa ng ingay at palabasing may naganap na dayaan.


Kahit walang sapat na ebidensiya ay kailangan lamang namang palakasin ang duda para silaban o muling painit ang damdaming ng mga tagasuporta ng natalong kandidato na kapag naglagablab na ay madali nang hikayatin para mag-ingay sa kalye.


Sana lang ay huwag nang tangkaing dungisan pa ng mga eksperto sa kaguluhan ang napakalinis na resulta ng halalan at sama-sama na nating harapin ang magandang bukas na naghihintay sa atin.


May susunod pa namang halalan at marami pang pagkakataon para mailuklok sa poder ang mga kandidatong nais ninyong manungkulan basta’t aprubado lamang ng sambayanan.


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page