Desisyon ng SC sa panuntunan ng DOJ, nagpalakas sa kaso ni Manas
- BULGAR

- 4 hours ago
- 1 min read
ni Mylene Alfonso @News | March 16, 2026

Photo: Department of Finance - FB
Inanunsyo ng Supreme Court (SC) nitong March 11, na pinagtibay nito ang isang panuntunan ng Department of Justice (DOJ) na nagtaas sa antas ng ebidensyang kailangan bago maisampa ang kasong kriminal sa hukuman.
Idineklara ng SC ang bisa ng Department Circular No. 20, na inilabas noong panahon ng dating Justice secretary at ngayo'y Ombudsman Boying Remulla, na nagtataas ng pamantayan sa preliminary investigation mula sa probable cause lamang patungo sa prima facie evidence na may reasonable certainty of conviction.
Dahil sa desisyon ng SC, lalong tumibay ang isang resolusyon ni Remulla noong January 16, 2025 sa kaso ni Enrique Manas, Sr., sapagkat ito ay nakabase sa DC 20 ng DOJ.
Ang kaso ay nag-ugat sa ambush noong July 23, 2017, na ikinamatay ni Manas Sr. sa Sta. Margarita, Samar. Dahil dito, sinampahan ng kasong murder at attempted murder sina Emilio Zosa, Sofronio Meduranda, Jr., at Reymart Antivo.
Inutos ng January 16, 2025 resolution ni Remulla na ang information laban sa mga suspek ay maisampa sa loob ng 10 araw upang makausad ang paglilitis nito. Ngunit ito'y nananatili umanong nakabinbin sa DOJ mahigit 410 araw na.
“Sa ngalan ng pamilya Manas, magalang naming hinihiling ang agarang pagsasampa ng information laban sa mga suspek upang tuluyan nang umusad ang kaso sa hukuman,” nakasaad sa liham ng kanilang abogadong si Atty. Kristjan Gargantiel kay Acting Justice Sec. Fredderick Vida.




Comments