Search
  • BULGAR

Derozan, Garland, Doncic at Jokic, pawang matitinik

ni Anthony E. Servinio - @Sports | March 1, 2021





Nagising ang numero unong Utah Jazz mula sa mapait na talo noong isang araw at bumalik sa panalo kontra sa Orlando Magic, 124-109, sa NBA kahapon mula sa Amway Center. Inihatid ni kabayang Jordan Clarkson ang maagang knockout matapos ang free throw na may pitong minuto pa, 104-85, at mula roon ay inalagaan ng kanyang kakampi ang lamang.


Nagtapos na may 18 puntos si Clarkson upang suportahan ang 31 puntos ni All-Star Donovan Mitchell. Samantala sa ibang laro, kumapit ang San Antonio Spurs sa 4th quarter upang mabitin ang paghabol ng Pelicans, 117-114. Namuno sa Spurs (17-12) sina DeMar DeRozan na may 32 puntos at LaMarcus Aldridge na may 21 puntos.


Ginulat ng Cleveland Cavaliers ang numero uno sa EastCon ang 76ers sa overtime, 112-109. Nagsama ng lakas sina Darius Garland na may 25 puntos hanggang overtime at Collin Sexton na may 28 para ibigay sa Cavs (13-21) ang ikatlong sunod na panalo.


Kahit natalo, nanatili sa tuktok ang 76ers dahil tinalo ng Dallas Mavericks ang segundang Brooklyn Nets, 115-98. Umabot ng 22 puntos ang lamang ng Mavs (16-16) sa fourth quarter, 106-104, sa likod nina All-Star Luka Doncic na nagtapos na may 27 puntos at Kristaps Porzingis na may 18 at wakasan ang walong sunod na panalo ng Nets (22-13) na naglaro na wala ang mga All-Star na sina Kevin Durant at Kyrie Irving.


Naging sorpresang bayani si Frank Ntilikina matapos ang agaw at free throw na nagsigurado sa 110-107 tagumpay ng New York Knicks sa Indiana Pacers. Namuno sa Knicks (17-17) si All-Star Julius Randle na may 28 puntos at RJ Barrett na may 24.

Sinigurado ng Washington Wizards na hindi sila mapapahiya sa kulelat na Minnesota Timberwolves, 128-112. Bumuhos ng 34 puntos si All-Star Bradley Beal at triple double si Russell Westbrook na 19 puntos. Triple double din na may 19 puntos si All-Star Nikola Jokic sa 126-96 sa tagumpay ng Denver Nuggets sa Oklahoma City Thunder.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.