DepEd, zero budget sa bagong guro

by Mervin Reyes @News | September 9, 2026

Photo: File / DepEd
Walang nakalaang pondo para sa recruitment ng mga bagong guro sa 2027 sa ilalim ng kasalukuyang panukalang budget ng Department of Education (DepEd), kinumpirma ni Education Secretary Sonny Angara sa House Committee on Appropriations nitong Lunes.
Ayon kay Angara, nangangailangan ang DepEd ng 14,274 karagdagang guro na nagkakahalaga ng tinatayang P4.29 bilyon, ngunit walang inilaan para rito sa 2027 National Expenditure Program (NEP).
Kabilang ang halaga sa karagdagang P49.16 bilyon na hinihingi ng DepEd para sa personnel improvement program.
Umaasa si Angara na maibabalik ang pondo habang nagpapatuloy ang deliberasyon sa pambansang budget.
Sinabi rin niya na nakapag-hire ang DepEd ng 32,000 guro ngayong 2026, mas mataas sa karaniwang 20,000 bagong guro kada taon.
Nasa halos P976 bilyon ang panukalang 2027 budget ng DepEd, ngunit humihingi pa ang kagawaran ng karagdagang P145.19 bilyon para sa mga programang kulang ang pondo sa NEP.
Dahil nasa proseso pa ng pagtalakay sa Kongreso ang 2027 national budget, maaari pang mabago ang alokasyon para sa hiring ng mga bagong guro.





Comments