DepEd at LGUs, joint forces para sa mga bagong klasrum
- BULGAR

- 1 hour ago
- 1 min read
ni Mylene Alfonso @News | July 24, 2026

Photo: File / DepEd
Pinalawak ng Department of Education (DepEd) ang pambansang programa nito sa imprastraktura ng paaralan, kung saan naabot na nito ang 100 porsyento ng mga lalawigan, 87 porsyento ng mga lungsod, at 75 porsyento ng mga munisipalidad—na kumakatawan sa 1,118 mula sa 1,493 munisipalidad sa buong bansa.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education nitong Huwebes, binigyang-diin ni DepEd Undersecretary for Legal and Legislative Affairs Filemon Ray Javier na nagpapatupad ang ahensya ng mga pangmatagalan at permanenteng solusyon upang matugunan ang kakulangan sa silid-aralan sa bansa.
“Simula nang umupo si Secretary Sonny Angara dalawang taon na ang nakakalipas, malinaw na isa sa kanyang mga prayoridad ay tugunan ang kakulangan ng mga classrooms sa buong bansa. Para sa ganitong kalaking problema, ang solusyon ay dapat pang permanente at maayos,” pahayag ni Usec. Javier sa Senate hearing.
Mula sa kabuuang P67.9 bilyong alokasyon ng programa para sa Fiscal Year 2026, naipamahagi na ng DepEd ang P49.8B sa iba't ibang pamamaraan upang maihatid ang paunang batch ng 14,601 mga bagong silid-aralan.
Sa paunang funding package, nakalaan ang P22.35B para sa mga proyekto ng LGU upang magtayo ng 6,353 silid-aralan, habang P20.85B naman ang sa pamamagitan ng Department of Public Works and Highways para sa 6,134 silid-aralan. Bukod dito, P3.5B ang inilaan para sa 1,622 DepEd Learning Continuity Spaces, at P3B para sa mga civil society, non-government organizations, at Last Mile Schools upang magtayo ng 515 silid-aralan.
Kasalukuyang may 209 na LGU ang aktibong dumadaan sa iba't ibang yugto ng proseso ng procurement.





Comments