Demandahan, nag-start na… MGA JALOSJOS, NO SHOW SA FACE-TO-FACE NILA NG TVJ SA KORTE
- BULGAR
- Jul 28, 2023
- 3 min read
ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | July 28, 2023

Ginanap na ang unang hearing kahapon, Huwebes (July 27) sa isinampang kaso nina dating Senate President Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon laban sa Jalosjos Brothers ng TAPE, Inc. dahil sa paggamit nila ng titulong Eat… Bulaga!, pati na rin sa mga segments sa rebranded show na EB! sa GMA-7.
Naunang dumating si Tito Sen sa Marikina Hall of Justice kahapon bago mag alas-otso nang umaga at kaagad namang sinundan ni Joey minus Vic, habang hinihintay naman na sila ng kanilang mga abogado na sina Atty. Enrique dela Cruz at Atty. Isaiah O. Asuncion III mula sa Divina Law.
Hindi naman namin namataan ang magkapatid na Jalosjos na sina Jon at Dapitan Mayor Bullet sa nasabing hearing at tanging abogado nila ang dumalo.
Umabot nang mahigit isang oras ang hearing mula 8:30 hanggang 9:45 AM at paglabas nina Tito Sen at Joey ay kaagad silang pinalibutan ng mga TV reporters, vloggers, online media at print media.
Ang titulong Eat… Bulaga! ang inilalaban ng TVJ na pag-aari nila dahil sila ang nakaisip nito na laging sinasabi nga ni Joey na siya ang nakaimbento sa naturang titulo at si Vic naman ang sumulat at kumanta ng theme song.
Base sa panayam kay Tito Sen tungkol sa isinampa nilang kaso, “Sa dinami-dami ng mga salita, alam mo naman ang legal terms, ang bottom line ng pinag-uusapan namin (at) ang sinasabi namin dito ay copyright, sino ang may-ari ng copyright, ‘yung gumawa. Trademark? (aysus), meron pang cancellation, eh. Merong tinatawag na after 10 years, nawawala.
“But then again, may mga nag-file ng trademark and trademark, that’s good. Iba ‘yung copyright.
Ang tanong dito na sinasabi namin sa korte, sino ang may-ari ng pangalang Eat… Bulaga!?
“They were saying that… they are deceiving the people by saying na sila ‘yung Eat… Bulaga!.
“Puwede naman nilang ituloy ‘yung programa nila kung gusto nila, pero palitan nila ‘yung pangalan nila, ‘yan ang punto namin!”
Nabanggit din ang tungkol sa nalalapit na 44th celebration ng anibersaryo ng EB! sa Sabado, Hulyo 29, kaya inamin ni Tito Sen na matagal na preparasyon ito.
“Kailangan nating pag-aralan ‘yan, kung ano ang pinakamagandang kilos, ‘di ba?” say ni Tito Sen.
Isa rin sa mga nai-file na kaso ay ang paggamit ng mga footages ng dating EB! ng TAPE, Inc..
“Hindi tama ‘yun at isa iyon sa mga isinampa namin, sapagkat wala silang paalam sa amin katulad ng ginawa nila noong (May) 31 hanggang June 3, nag-replay sila ng… nag-replay at isa nga iyon sa 'ika nga’y binabaril namin dito sa kaso na ‘to.
“Again, let’s go back to deception, ipinipilit n’yo sa tao o sa publiko na kayo ang Eat… Bulaga!, eh, hindi naman kayo,” paliwanag pa ng dating senador.
Nagmamatigas ba ang TAPE, Inc. na pag-aari nila ang titulo ng EB!?
“Siguro, sinasabi ng mga abogado nila, trademark, trademark. Iba ‘yung trademark sa copyright. Para ka namang hindi nakakaintindi ng legalities,” diin ni Tito Sen.
Sa kabilang banda ay very confident naman ang TVJ na maipapanalo nila ang kaso tungkol sa copyright.
“Very confident in God’s help, I’m sure the truth will come out. Alam ng Panginoong Diyos, alam ng taumbayan, alam ng publiko kung sino ang nag-imbento ng Eat… Bulaga!, pangalang Eat… Bulaga!. Kung iyon ang programa nila, bahala sila sa programa nila, palitan nila ang title nila,” diin pa ulit ni Tito Sen.
Hirit naman ni Joey, “Oh, ako naman, maikli lang, basta kami, nagsasabi lang nang totoo, ‘yun lang! Nagsabi lang kami nang totoo! Nagsabi lang kami nang totoo, bahala na kayo.”
Sa tanong namin kung ano pa ang ibang kaganapan sa hearing, “Pinag-uusapan pa lang ‘yung mga reklamo. Mae-elaborate pa ‘yan sa mga darating na araw.”
Samantala, ang next hearing ng TVJ ay sa Lunes, Hulyo 31 sa parehong venue.
Bukas ang BULGAR sa panig ng mga taga-TAPE, Inc..
Kommentare