Delta, ginitla ang Generals, shoot sa semis ng NBL Cup
ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 6, 2022

Dumaan sa overtime ang defending champion Pampanga Delta bago talunin ang matapang na Taguig Generals, 103-94, sa pagwawakas ng elimination round ng 2022 National Basketball League (NBL) Chairman’s Cup mula sa Rodriguez Municipal Gym sa Rizal.
Winalis ng Delta ang lahat ng kanilang walong laro at kahit nabigo, sinamahan sila ang Generals papasok agad sa semifinals.
Itinabla ng tres ni Fidel Castro ang laban, 94-94, subalit iyan na ang huling narinig sa Taguig. Bumuhos ng tatlong sunod-sunod na shoot sina Archie Concepcion, Mark Jayson Tamayo at Al Liangco upang lumayo ang Pampanga, 100-94, at 1:44 sa orasan.
Nahirapang makapuntos ang magkabilang panig hanggang ipinasok ni Best Player Matt William de Leon ang free throw, 101-94, at 29 segundong nalalabi. Dominado ni de Leon ang laro sa kanyang 14 puntos at 21 rebound. Nanguna si Gania na may 25 puntos at sinundan ni Concepcion na may 20 puntos, 10 rebound at 9 na assist.
Numero uno ang Delta sa 8-0 habang tabla ang Generals, DF Bulacan Republicans at La Union PAOwer sa 6-2. Ayon sa quotient, magiging pangalawa at semifinals ang Taguig habang maglalaro sa quarterfinals ang Republicans at PAOwer laban sa Quezon City All-Stars (3-6) at CamSur Express (4-4) sa seryeng twice-to-beat.
Samantala, kinoronahan na kampeon ng 2022 NBL Youth Second Conference Under-19 ang Yengskivel RPBY matapos gulatin ang host Montalban, 93-83. Bumida sa tagumpay sina Victor Nuarin na may 26 puntos at Brent Paccangaran na may 13 puntos at siyam na rebound.
Ginanap din ang semifinals ng Under-16 kung saan nanaig ang Emeralds sa TYJ Trading, 63-62. Haharapin nila para sa tropeo ang Epson Metal-Escuela de Sophia na tinambakan ang Santa Rosa City, 80-57.





Comments