top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Delta, 'di matibag sa liderato ng NBL Cup

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 27, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 27, 2022



Pinatibay ng defending champion Pampanga Delta ang kanilang hawak sa liderato ng 2022 National Basketball League (NBL) Chairman’s Cup matapos talunin ang Camarines Sur Express, 89-76, sa tampok na laro mula sa bagong bukas na Fuerte CamSur Sports Complex sa Bayan ng Pili, Biyernes ng gabi. Hindi nagpahuli ang La Union PAOwer at pinabagsak ang Quezon City All-Stars, 101-98, sa pambungad na laro.


Ginunita ni Michael Jeffrey Garcia ang kanyang kaarawan at pagbabalik sa double-double na 19 puntos at 11 rebound at mahirang na Best Player. Nagsama sina Garcia, na huling naglaro noong President's Cup noong Hunyo, at ang bagong pirma na si Archie Concepcion para sa huling 11 puntos ng laro patungo sa kanilang ika-limang sunod na tagumpay.


Komportableng lamang ang Delta sa simula ng 4th quarter, 69-56, subalit biglang nagising ang Express at nagbanta, 76-78, at 2:44 sa orasan. Walang kabang ipinasok ni Concepcion ang three-points na hudyat ng huling arangkada ng Pampanga na tinuldukan niya ng isang dunk gamit ang dalawang kamay kasabay ng huling busina at magtapos na may 23 puntos.


Hindi sinayang ng La Union ang kanilang mahigit 660 kilometrong lakbay at kinailangan nila magtrabaho upang iligpit ang palaban na All-Stars. Biglang naglaho ang 92-79 lamang ng PAOwer at nakalapit ang Quezon City, 96-99, bago isinalba ng mga free throw nina Jap Pambid at John Lawrence Uduba ang resulta.


Napiling Best Player si Erven Silverie sa kanyang 21 puntos. First half pa lang ay double-double na si Billy Ray Boado at nagtapos na may 29 puntos at 13 rebound. Maghaharap muli ang Pampanga at La Union sa nag-iisang laro ngayong Linggo sa Fuerte pa rin.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page