top of page

Delta at Kings, arangkada sa NBL Chairman's Cup

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Oct 23, 2022
  • 2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | October 23, 2022



Positibong sinimulan ng Pampanga Delta ang depensa ng korona laban sa bisitang Quezon City All-Stars, 112-100, sa tampok na laro ng 2022 National Basketball League (NBL) Chairman’s Cup Biyernes ng gabi sa Bren Z. Guiao Convention Center sa San Fernando City.


Nakamit din ng Laguna Kings ang unang tagumpay kontra sa nagbabalik na Camarines Sur Express, 96-75, sa naunang laban.


Umarangkada ang Delta sa first quarter, 32-21, subalit uminit si Joseph Brutas para sa 15 puntos sa second quarter na mas marami sa buong kalaban upang maagaw ng All-Stars ang lamang sa halftime, 51-44. Hinigpitan ang depensa kay Brutas at hindi na siya pumuntos mula roon sabay bagsak ng Quezon City.


Huling nalasap ng All-Stars ang lamang sa simula ng 4th quarter, 78-77, subalit sinagot ito ng 11 sunod-sunod na puntos ng Pampanga upang tuluyang lumayo, 88-78.


Nagbanta saglit ang Quezon City, 95-100, pero binura ito ng 3-points ni Jeff Santos at shoot ni Al Liangco at ibalik sa 10 ang lamang papasok sa huling minuto.


Best Player si Santos na muntik na magtala ng triple double na 19 puntos, 13 rebound at siyam na assist kasama ang mahigpit na pagbantay kay Brutas sa second half. Nanguna si Liangco na may 20 puntos habang nag-ambag din ng tig-19 puntos sina CJ Gania at Mat William de Leon.


Bumanat agad ang Laguna ng unang 10 puntos ng laro at naghintay ang CamSur ng 5 minuto bago makapuntos. Hindi nakaporma ang Express at lumobo sa 80-42 ang agwat bago magsara ang 3rd quarter.


Mga laro ngayong Linggo – Bren Z. Guiao Convention Center 4:00 p.m. Camarines Sur vs. Taguig; 6:00 p.m. Pampanga vs. Muntinlupa

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page