Del Rosario at Raagas, champ sa IronKids, big contest sa COPA
ni Gerard Arce - @Sports | October 24, 2022

Hinirang na kampeon sina Fil-Am Peter del Rosario at Celinda Raagas matapos mangibabaw sa premier 13-14 division ng IronKids Philippines Subic Bay.
Nalampasan ni Del Rosario ang karibal sa bisa lang ng 22 segundo sa 400m-swim, 8km-bike, 3km-run event ng prestihiyosong triathlon.
Unang nalagay ang Laguna star, na 13-anyos noong nakaraang buwan sa 4th sa opening swim leg si Red Reyes sa 05:35 ngunit ginamit ang napakahusay na riding skills para manguna sa bike stage sa 17: 03 bago magdesisyon sa closing run part sa 13:33 para sa kabuuang clocking na 36:11.0.
Pumapangatlo (06:23), si Raagas, isang Grade 9 student sa Columban College sa Olongapo na nanalasa sa bisikleta (19:57) bago nagpakawala ng bagong blistering run (16:19) upang muling maghari sa 42:39, tinalo si Zebelle Eugenio, na nanguna sa paglangoy sa 06:10 ngunit nag-time ng 20:50 sa bike bago natapos sa 19:32 sa pagtakbo para sa kabuuang oras na 46:32.
Samantala, ibinida ni Olympian at dating National mentor Pinky Brosas na ilalarga ng Congress of Philippine Aquatics, Inc. (COPA) ang mas malalaking torneo sa mga batang swimmers sa buong bansa.
Aniya, lahat ng cluster heads sa 15 regional group ng COPA ay nakikipagtambalan na sa kani-kanilang local government units (LGUs) at DepEd para sa mga kompetisyon at educational programs sa mga atleta, coach at guro.
“Ang pagsasama ng mga provincial team at mga kapus-palad na estudyante mula sa mga pampublikong paaralan sa torneo ay isang patunay ng seryosong kampanya ng COPA na buksan ang swimming sa mas malawak na komunidad,” sambit ni Brosas na may higit 100 swimmers mula sa public schools sa Manila at Leyte, Cagayan Valley, Cebu, Samar at Misamis Oriental ang lumahok sa COPA’s Reunion Swim Challenge leg 3 sa RMSC.





Comments