Debut game ni Harden sa Nets, bumida agad; Spurs, nakaganti

ni Anthony E. Servinio - @Sports | January 18, 2021

Nagsumite ng triple double si James Harden at nagwagi ang kanyang bagong koponan Brooklyn Nets sa bisitang Orlando Magic, 122-115, sa aksyon sa NBA kahapon mula sa Barclays Center. Nangangapa sa umpisa, inilabas ni Harden ang kanyang husay sa fourth quarter para gumawa ng 13 ng kanyang 32 puntos na may kasamang 12 rebound at 14 assist at tumulong paangatin ang Nets sa kartadang 8-6.
Lamang ng isa lang ang Nets matapos ang tatlong quarter, 84-83, bago uminit sina Harden at Kevin Durant na pinasok ang 14 ng kanyang 42 puntos sa 4th quarter. Patuloy pa rin ang pagliban ng kontrobersyal na si Kyrie Irving bunga ng paglabag sa COVID-19 protocol.
Gumanti ang San Antonio Spurs sa Houston Rockets, 103-91, sa likod ng 24 puntos ni DeMar DeRozan at 18 puntos ni Dejounte Murray. Hindi muna pinalaro ang bagong dating na si Victor Oladipo sa Rockets na tinalo ang Spurs noong nakaraang araw, 109-105.
Bahagi ang dating bituin ng Indiana Pacers na si Oladipo sa palitan na nagdala kay Harden sa Nets. Kasabay nito, inulat ng Pacers na hindi muna nila palalaruin ang dating Net na si Caris LeVert matapos matuklasan na may bukol sa kanyang bato.
Sa ibang mga laro, inagaw ni Kyle Lowry ang lamang at sinigurado ng mga free throw nina Fred VanVleet at Chris Boucher ang 116-113 tagumpay ng Toronto Raptors sa Charlotte Hornets. Pumukol ng anim na tres ang reserbang si Norman Powell para sa 24 puntos at sinundan siya ni Boucher na may 20 puntos at siyam na rebound.
Bumalik sa Memphis Grizzlies si Ja Morant galing sa pilay na bukong-bukong at bumida agad ang 2020 Rookie of the Year sa 106-104 na pagwawagi sa Philadelphia 76ers. Huling naglaro noong Disyembre 28, namuno si Morant na may 17 puntos at 6 assist habang nag-ambag ng 15 puntos si Xavier Tillman.
Tinambakan ng Detroit Pistons ang Miami Heat, 120-100, subalit nanatili pa rin sa ilalim ng Eastern Conference sa kartadang 3-9. Nanguna sa Pistons si Jerami Grant na may 24 puntos, habang gumawa ng 23 puntos sa 21 minuto si 2011 MVP Derrick Rose.
Nakabangon ang Portland Trail Blazers sa maagang pagkawala ng kanilang numero unong scorer CJ McCollum upang talunin ang Atlanta Hawks, 112-106. Napilayan sa paa si McCollum sa second quarter at hindi na bumalik matapos gumawa ng 16 puntos subalit tinakpan ito nina Damian Lillard na may 36 puntos at Gary Trent Jr. na may 18 puntos.





Comments