Death row inmate sa Tennessee, gising at nakapagsasalita matapos pumalpak ang execution

by BRT @News | October 7, 2026

Photo: Christa Pike - USA Today Network
Gising na at nakapagsasalita si Christa Pike, 50, isang death row inmate sa Tennessee, anim na araw matapos mabigo ang pagtatangka ng estado na isagawa ang kanyang lethal injection.
Ayon sa kanyang mga abogado, nananatili si Pike sa ospital at patuloy na ginagamot matapos siyang mawalan ng malay at ikabit sa ventilator kasunod ng execution noong Setyembre 30.
Dalawang dose ng pentobarbital ang ibinigay kay Pike, ngunit hindi ito nagresulta sa kanyang pagkamatay. Ayon sa kanyang mga abogado, nagkaroon din siya ng matinding paso at paltos sa kanyang mga braso.
Si Pike ay hinatulan ng kamatayan dahil sa pagpatay sa kanyang kaklaseng si Colleen Slemmer noong 1995.
Hindi pa malinaw ang kanyang magiging kondisyon at inaasahan ang matagal na paggaling. Ayon sa isang medical expert na kumunsulta sa kanyang legal team, positibong senyales ang kanyang paggising at pagsasalita, ngunit nananatili siyang nasa panganib.
Nakatakda ring humarap sa korte ang kanyang mga abogado upang hilingin ang pagpreserba ng mga ebidensiya at rekord kaugnay ng nabigong execution.
Samantala, nananawagan ang kanyang mga abogado kay Tennessee Gov. Bill Lee na gawing habambuhay na pagkakakulong ang sentensiya ni Pike sa halip na muling isagawa ang execution.





Comments