Death penalty sa Lebanon, aprubado nang alisin
- BULGAR

- 1 hour ago
- 2 min read
ni Justine Berganio @Overseas News | August 14, 2026

Photo: Lebanese lawmakers sa parliamentary session. Wael Hamzeh - EPA
Inaprubahan ng Lebanese Parliament ang panukalang tuluyang alisin ang death penalty sa bansa, na kapag naisabatas ay magiging unang bansa sa Middle East na pormal na mag-aalis ng parusang kamatayan.
Karamihan sa 128 mambabatas ay bumotong pabor sa panukala, habang kumontra naman ang parliamentary bloc ng Hezbollah.
Dadaan pa ang batas sa gabinete bago isumite kay President Joseph Aoun para sa lagda. Nauna nang nagpahayag ng suporta ang pamahalaan sa pag-aalis ng capital punishment.
Sa ilalim ng panukala, papalitan ang death penalty ng habambuhay na pagkakakulong na may hard labor. Gayunman, hindi pa malinaw sa batas kung paano eksaktong ipatutupad ang bagong parusa.
Wala nang isinagawang execution sa Lebanon mula Enero 2004, kahit patuloy na naglalabas ang mga korte ng death sentences. Tinatayang mahigit 78 preso ang nananatili sa death row.
Matagal nang nakapaloob sa batas ng Lebanon ang hard labor, ngunit bihira itong ipatupad dahil sa krisis pinansyal at siksikang mga kulungan na naglilimita sa kakayahan ng pamahalaan.
Matapos ang halos tatlong dekada ng kampanya ng mga human rights advocates at abogado, muling isinulong ang pagtanggal ng death penalty sa batas ng bansa.
Ayon kay Oragit Younan, co-founder ng Lebanese Association for Civil Rights, hindi dapat tugunan ang krimen sa pamamagitan ng panibagong karahasan. Pinangunahan niya ang kampanya para sa abolition ng death penalty sa loob ng maraming taon.
Sa ilalim ng dating batas, maaaring ipataw ang death penalty sa mga mabibigat na krimen gaya ng aggravated murder, ilang terrorism-related offenses na nauwi sa pagkamatay, treason, espionage at mga krimeng laban sa seguridad ng estado.
Ilang naunang pagtatangka na alisin ang parusang kamatayan noong 2004 at 2008 ay nabigo. Sa loob naman ng mahigit dalawang dekada, nanatiling de facto moratorium ang executions dahil kailangan ang lagda ng presidente, prime minister at justice minister para maisagawa ang isang execution.
Kasabay ng hakbang ng Lebanon, nananatiling ginagamit o pinalalawak ang death penalty sa ilang bahagi ng Middle East. Nagpatupad muli ng executions ang Jordan noong Hunyo matapos ang pitong taong paghinto, habang inaprubahan naman ng Israel ang batas na nagpapalawak sa mga pagkakataong maaaring ipataw ang parusang kamatayan.
Sa Iran, nagbabala rin ang UN human rights chief tungkol sa pagdami ng executions, kabilang ang mga kasong may kaugnayan sa national security at mga protesta laban sa pamahalaan.





Comments