Patrol car niratrat, pulis sapul sa ulo, katawan

ni Justine Berganio @Overseas News | September 26, 2026

Photo: Ang police car sa labas ng Sons of Jacob Synagogue sa Belleville, Ontario, Canada - SS / CBC
Pulis ang humarang sa isang gunman na umatake sa labas ng Sons of Jacob Synagogue sa Belleville, Ontario, Canada noong Linggo ng gabi kasabay ng Yom Kippur.
Ayon kay Belleville Police Chief Murray Rodd, hate-motivated at sadyang target ng pamamaril ang Jewish community. Umabot sa 20 hanggang 30 putok ang narinig sa insidente.
Nagtamo si Constable Jeff Smith ng tama ng mga bala sa ulo at katawan habang nasa kanyang patrol car, pero nakalabas pa rin siya at nakipaglaban sa gunman kahit malubha ang kanyang mga sugat.
Makalipas ang halos tatlong minuto, dumating si Constable Mike McCurdy at tumulong kay Smith na mapatigil ang umatake. Hindi nasugatan si McCurdy.
Nasa critical but stable condition si Smith at inaasahang sasailalim sa ilang operasyon dahil sa malubhang head trauma. Samantala, kinilala ang gunman na si Sean Ward, 29. Isinugod ito sa ospital dahil sa malubhang sugat, ngunit kalaunan ay namatay din.
Dahil sa insidente, dinagdagan ng Toronto police ang patrol sa mga synagogue at iba pang lugar-sambahan. Kinondena naman ng Jewish community at ni Prime Minister Mark Carney ang antisemitic violence at iginiit na dapat ligtas na makapagsamba ang mga Jewish Canadians.





Comments