Death benefits mula sa life insurance policy ng yumaong asawa
- BULGAR
- Feb 9, 2022
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | February 09, 2022
Dear Chief Acosta,
Kumuha ng life insurance ang aking asawa at ginawa niya akong benepisaryo noong Disyembre 2018. Sa kasamaang palad, yumao ang aking asawa noong isang buwan dahil sa aksidente. Ako ay natungo sa insurance company upang makuha ang mga death benefits na nakasaad sa kanyang life insurance policy, ngunit sinabihan ako na wala akong makukuha maliban sa premiums na binayaran ng aking yumaong asawa dahil itinago diumano ng aking asawa ang kanyang karamdaman. Hanggang sa ngayon ay wala pa rin akong nakukuha.
Wala ba talaga akong makukuha sa death benefits na nakasaad sa life insurance policy ng aking asawa? - Charm
Dear Charm,
Para sa inyong kaalaman, ang batas na sumasaklaw sa sitwasyon na inyong inilahad ay ang Section 48 ng Amended Insurance Code of the Philippines (R.A. 10607). Ayon sa nasabing batas:
“Section 48. Whenever a right to rescind a contract of insurance is given to the insurer by any provision of this chapter, such right must be exercised previous to the commencement of an action on the contract. After a policy of life insurance made payable on the death of the insured shall have been in force during the lifetime of the insured for a period of two (2) years from the date of its issue or of its last reinstatement, the insurer cannot prove that the policy is void ab initio or is rescindable by reason of the fraudulent concealment or misrepresentation of the insured or his agent.”
(Binigyang-diin)
Paliwanag din ng ating Korte Suprema, sa kasong Sun Life of Canada (Philippines), Inc. vs. Sibaya (G.R. No. 211212, June 8, 2016, Ponente: Honorable Former Associate Justice Bienvenido L. Reyes): “After the two-year period lapses, or when the insured dies within the period, the insurer must make good on the policy, even though the policy was obtained by fraud, concealment, or misrepresentation.”
(Binigyang-diin).
Malinaw na nakasaad sa ating batas na ang insurance company ay may dalawang taon mula sa effectivity ng life insurance contract at habang ang insured (ang taong kumuha ng insurance) ay buhay pa upang patunayan na walang bisa ang insurance policy dahil sa pagtatago ng karamdaman o pandaraya ng insured.
Samakatwid, sa inyong sitwasyon, ikaw ay may karapatang makuha ang death benefits na nakasaad sa life insurance policy ng inyong asawa dahil hindi na maaaring sabihin ng insurance company na walang bisa ang policy na nakuha ng inyong asawa noong 2018.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments