ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Pebrero 15, 2024
Dear Chief Acosta,
Kamakailan lamang ay namatay ang aking ama na isang OFW sa Abu Dhabi. Siya ay isang aktibong miyembro ng OWWA sa oras ng kanyang kamatayan. Kaugnay ng kanyang pagkamatay, gusto ko sanang malaman kung maaari ba kaming mag-claim ng anumang death benefits sa OWWA? Kung oo, magkano ang maaari naming i-claim? Salamat. -- Geraldine
Dear Geraldine,
Para sa iyong kaalaman, ang probisyon ng batas na nakasasaklaw sa iyong katanungan ay ang Section 35 (e) ng Republic Act No. 10801 o mas kilala sa tawag na “Overseas Workers Welfare Administration Act” kung saan nakasaad na:
Section 35 (e) Social Benefits. — A member-OFW shall be covered with the following social benefits:
(1) Death and Disability Benefits:
i.Death Benefits. — A member shall be covered with life insurance for the duration of his or her employment contract. The coverage shall include one hundred thousand pesos (P100,000) for natural death and two hundred thousand pesos (P200,000) for accidental death; xxx
iv.Burial Benefit. — A burial benefit of twenty thousand pesos (P20,000) shall be provided in case of the member’s death.
Ayon sa batas, ang mga survivors ng isang namatay na overseas Filipino worker (OFW), na aktibong miyembro ng OWWA sa oras ng kamatayan, ay maaaring mag-claim ng P100,000.00 para sa natural na kamatayan at P200,000.00 para sa aksidenteng kamatayan. May karapatan din sila para sa burial benefit na nagkakahalaga ng P20,000.00.
Kaugnay nito, ang qualified dependent ng namatay na OFW member ay kwalipikado para sa programang ito. Ang mga pangunahing benepisyaryo ay ang lehitimong umaasang (dependent) asawa hanggang sa siya ay muling mag-asawa, at ang mga lehitimo, legal na inampon o hindi lehitimong mga anak na umaasa sa miyembro. Sa kawalan ng pangunahing benepisyaryo, ang pangalawang benepisyaryo ay ang mga umaasa na magulang ng nasabing miyembro. Kung wala na rin ang mga nabanggit, ang taong itinalaga ng miyembro bilang benepisyaryo sa talaan ng kanyang pagka-miyembro ang siyang tatanggap ng nasabing benepisyo.
Nawa ay nasagot namin ang iyong mga katanungan. Nais naming ipaalala na ang opinyon na ito ay nakabase sa mga naisalaysay sa iyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang aming opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kang sasangguni sa isang abogado.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments