top of page

Mga paninda, ‘di puwedeng ibenta sa halagang mas mataas sa price tag

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 hour ago
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | November 10, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Nag-sale ang isang boutique sa mall at marami silang ibinenta na discounted items. Ako ay namili ng ilang damit, kasama ang isang bestida na ang presyong nakalagay sa price tag nito ay P499.00. Ngunit noong magbabayad na ako sa cashier ay naging P899.00 na ang presyo ng bestida. Sinabi ko sa cashier ang orihinal na presyo na nakalagay sa price tag kaya dapat ito lang din ang babayaran ko. Sinabi ng cashier na nagkamali lang diumano sila ng lagay sa price tag. Naramdaman ko ang labis na hiya dahil hindi naman kasya ang aking perang dala. Sa mga ganitong pagkakataon, ano ba ang dapat bayaran ng mga mamimili? -- Bernie



Dear Bernie,


Ang presyo na nakalagay sa price tag ang dapat na bayaran. Ayon sa Consumer Act of the Philippines (Republic Act No. 7394), ang mga tindahan ay inaatasan na maglagay ng price tag o presyo sa kanilang mga paninda at ang mga panindang ito ay hindi maaaring ibenta sa halaga na mas mataas sa nakasulat sa price tag. Nakasaad sa Articles 81 at 82 ng batas na:


“Article 81. Price Tag Requirement – It shall be unlawful to offer any consumer product for retail sale to the public without an appropriate price tag, label or marking publicly displayed to indicate the price of each article and said products shall not be sold at a price higher than that stated therein and without  discrimination to all buyers… xxx Provided, further, That if consumer products for sale are too small or the nature of which makes it impractical to place a price tag thereon price list placed at the nearest point where the products are displayed indicating the retail price of the same may suffice.


Article 82. Manner of Placing Price Tags. – Price tags, labels or markings must be written clearly, indicating the price of the consumer product per unit in pesos and centavos.


Malinaw na nakasaad sa batas na hindi puwedeng ibenta ang mga paninda sa halaga na mas mataas sa nakalagay sa price tag nito. Kung kaya, dapat lamang na bayaran kung magkano ang nakalagay sa price tag ng bagay na binili. 


Hindi dahilan na nagkamali ang mga tauhan ng isang tindahan sa paglalagay ng presyo para hindi nila sundin ang nakasaad sa batas. Mahigpit na ipinagbabawal ng batas ang paglabag dito at sino mang hindi susunod ay papatawan ng parusa. Para sa unang paglabag, ang parusa ay multa na hindi bababa sa P200.00 ngunit hindi tataas sa P5,000.00 o pagkakakulong ng hindi bababa sa isang buwan ngunit hindi hihigit sa anim na buwan o pareho, ayon sa desisyon ng hukuman. Para naman sa pangalawang paglabag sa batas, may kaakibat itong parusa na pagkansela ng permit at lisensya ng negosyo.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page