Deadline ng cashless system sa expressway, i-extend!

ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | December 3, 2020
Sinusuportahan natin ang panawagan ni San Miguel Corporation president Ramon Ang sa Department of Transportation na i-extend ang deadline ng paglipat sa mandatory cashless system ng mga toll expressway ng hanggang sa katapusan ng Pebrero, 2021.
Nanawagan si Mr. Ang para sa mga motoristang hindi pa rin nakakapagpakabit ng RFID stickers.
Noong December 1 ang deadline para sa paglipat sa cashless system.
☻☻☻
Nauna nang klaruhin ng DOTr na hindi nila huhulihin ang mga motoristang wala pa ring RFID sticker hanggang January 11, 2021.
Ngunit nakikinita nating mahihirapan pa rin ang mga motoristang sumunod dahil na rin sa dami ng holiday ngayong December at sa unang bahagi ng January.
Sa tingin natin, wala namang mawawala kung ma-extend ang deadline, lalo pa kung mangangako ang mga toll operator na mahigpit pa ring ipapatupad ang mga health protocol.
☻☻☻
Mas mainam din na alternatibo ang deadline extension kaysa pagkakaroon ng traffic bottleneck dahil sa mahabang pila ng mga nag-a-apply para sa kanilang sticker.
Dagdag pa rito, magandang maalala rin natin na hindi lang bilis ang tanging konsiderasyon sa pagsukat natin ng tagumpay ng proyekto.
Walang saysay ang pag-set ng deadline kung imposible namang masunod ito. Mas mahalagang mailatag natin nang maayos ang sistema, at ma-accommodate ang mga motorista na siya namang makikinabang sa proyektong ito.
☻☻☻
Umaasa rin tayong na i-konsidera ng DOTr ang pagpapanatili ng dedicated cash lane para sa mga motoristang hindi naman madalas bumabagtas ng mga expressway.
Hindi naman natin maiiwasan na may mga one-time users ng mga expressway natin, lalo na ang mga galing ng probinsiya tulad ng Samar, Bicol, Calabarzon, Mindoro, Baguio at ibang motoristang galing sa malalayo.
Hindi magiging makatarungan na mapilitan silang mag-register pa para lang sa minsanang biyahe.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang pahalaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice! ☻
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay





Comments