top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

De Laiya-Imus at Mindoro, mga quarter finalist na

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 21, 2021
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | December 21, 2021





Nakamit ng Buracai de Laiya-Imus ang isang upuan sa quarterfinals ng CT Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) Invitational 2021 matapos talunin ang EMKAI XentroMall Rizal Golden Coolers, 90-79, sa huling araw ng elimination round kahapon sa MOA Arena. Sa sumunod na laro, tinalo ng Bulacan Kuyas ang Manila Stars, 98-89, upang hilahin papasok ng quarterfinals ang naghihintay na EOG Burlington-Mindoro sabay wakas ng kampanya ng Stars.


Panalo lang ang kailangan ng Imus at kumilos sila sa pagbuhos ng huling 7 puntos ng first half at lumamang, 46-40. Dala ang bwelo, bumanat sila para sa unang 10 puntos ng third quarter para sa 50-46 na lamang at hindi huminto hanggang umabot ito ng 23 sa 4th quarter, 80-57.


Nanguna sa atake ng Imus sina Jhaymo Eguilos na may 18 puntos at Adrian Santos na may 17 puntos. Tabla ang Imus at Mindoro sa kartadang 4-1 subalit hawak ng Imus ang tiebreaker sa bisa ng 77-70 panalo sa Mindoro noong Dis. 16.


Naglabas ng talas sa shooting ang inspiradong si James Martinez matapos mabalitaan ang pagpanaw ng coach noong high school sa San Beda na si Edmundo “Ato” Badolato.


Inialay ni Martinez ang kanyang 31 puntos sa ala-ala ni Coach Badolato habang17 puntos si Bryan Faundo.


Sinagot ang dasal ng Mindoro na matalo ang isa sa Manila o Imus upang sila ang makapasok sa quarterfinals. Sinayang ng Manila ang pagkakataon sa gitna ng mahusay na laro ni sentro John Ambulodto sa 24 puntos at Carlo Lastimosa at Dan Sara na parehong may 14 puntos.


Sa mga laro noong Linggo ng gabi, napunta sa walang talong Nueva Ecija Rice Vanguards ang numero unong pwesto ng Grupo C matapos pabagsakin ang dating walang talong Go For Gold AICC-San Juan Knights, 88-85. Bumida para sa Rice Vanguards sina Justin Gutang na may 15 puntos at Roi Sumang na may 13 puntos. Sinimentuhan ng Iloilo United Royals ng Grupo A ang kanilang paglahok sa quarterfinals at pinabagsak ang Caloocan Excellence, 80-69.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page