DDS, todo-‘pray’ na matalo sa boksing si Pacman
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | July 05, 2021
WA’ PAKI SA KORUPSIYON ANG MGA DDS—Sa pagharap ni Sen. Manny Pacquiao sa publiko bago tumungong Amerika, inihain nito ang sangkaterbang dokumento ng mga anomalyang kinasasangkutan umano ng iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan sa ilalim ng Duterte government.
Imbes na matuwa dahil may nagbubulgar ng katiwalian, umuusok sa galit ang mga DDS at todo-bash pa kay Pacquiao, at nanalangin pa sila na sana ay patulugin ito ni American boxer Errol Spence. Boom!
◘◘◘
MAS MALAKI ANG DSWD-STARPAY ‘AYUDA SCAM’ KAYSA SA NAPOLES PORK BARREL SCAM—Shocking ang ibinulgar ni Sen. Manny Pacquiao na P10.4 billion na “Ayuda Scam” ng Department of Social Welfare and Development-Starpay e-wallet.
Shocking mas malaki pa pala ito sa P10 billion pork barrel scam ni ‘Pork Barrel Queen’ Janet Lim-Napoles at mga buwayang senador, kongresista at gov’t. officials, buwisit!
◘◘◘
SCAM SA AYUDA NG MAHIHIRAP—Isa raw sa mga ebidensiyang pinanghahawakan ni Pacquiao sa P10.4 bilyong “Ayuda scam” ay nasa P500,000 mamamayan lang ang nabigyan ng ayuda ng DSWD sa pamamagitan ng Starpay e-wallet, pero sa record ay pinalalabas ng sabwatang DSWD-Starpay na 1.8 milyon Pinoy na ang nabigyan ng ayuda o SAP (Social Amelioration Program).
Grabe, kung totoo ang ibinulgar ni Pacquiao, ang lupit naman ng DSWD kasi ang ayuda ng pamahalaan para sa mga naghihikahos na mamamayan sa panahon ng COVID-19 pandemic ay in-scam pa, tsk-tsk-tsk!
◘◘◘
MANTAKIN N’YO, P62-K LANG ANG PUHUNAN NG STARPAY PERO NAKAKOPO NG P50-B KONTRATA SA DSWD—Sabi ni Pacquiao, pagbalik niya sa Pilipinas matapos ang kanyang laban sa boksing ay magsusumite siya ng resolution sa Senado para imbestigahan ang DSWD at kuwestiyunin kung bakit sa kabila na P62, 000 lang ang nakatalang puhunang kapital sa negosyo ng Starpay ay ito pa ang kinontrata ng pamahalaan sa P50 bilyong SAP distribution.
Aba, kung ganyan lang kaliit ang puhunan ng Starpay, dapat talagang imbestigahan ito ng Senado kasi lumalabas na may “milagro” talagang nangyari dahil mantakin n’yo, P62-K lang ang puhunan, tapos nakakuha ng kontrata sa gobyerno ng P50 bilyon, boom!





Comments