Day off ng kasambahay
- BULGAR

- Sep 8, 2020
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | September 8, 2020
Dear Chief Acosta,
Namamasukan bilang hardinero ang asawa ko sa Maynila at nakaka-anim na buwan na siya sa trabaho. Noong mga nakaraang buwan ay nakauuwi pa siya sa amin tuwing Linggo dahil mayroong inaasikaso sa trabaho ang kanyang amo na malapit lamang sa amin. Ngunit dahil hindi na pupunta ang amo nito malapit sa amin ay nagpasya kaming mag-asawa na huwag na rin muna siya umuwi. Nais kausapin ng asawa ko ang kanyang amo na kung maaari ay hindi muna siya magde-day off at kung maaari ay mabayaran siya kung magtatrabaho siya sa araw na sana ay day off niya. Maaari ba itong hilingin ng aking asawa? Kung sakaling maka-isang taon na siya sa kanyang pamamasukan, mayroon ba siyang karagdagang araw na puwedeng lumiban sa trabaho? – Jesel
Dear Jesel,
Ang mga kasambahay tulad ng all-around maid, nursemaid o “yaya”, tagaluto, tagalaba at hardinero ay pinagkakalooban ng batas ng isang (1) araw na pahinga sa loob ng isang (1) linggo na kadalasang tinatawag na “day off”. Kung nais ng kasambahay na hindi gamitin ang nasabing araw ng pahinga at magtatrabaho na lamang siya sa araw na iyon ay kinakailangan na sang-ayunan ito ng kanyang amo. Ito ay alinsunod sa Section 21 ng Republic Act (R.A.) No. 10361 o mas kilala bilang Domestic Workers Act o Batas Kasambahay:
“Section 21. Weekly Rest Period. – The domestic worker shall be entitled to at least twenty-four (24) consecutive hours of rest in a week. The employer and the domestic worker shall agree in writing on the schedule of the weekly rest day of the domestic worker: Provided, That the employer shall respect the preference of the domestic worker as to the weekly rest day when such preference is based on religious grounds. Nothing in this provision shall deprive the domestic worker and the employer from agreeing to the following:
(a) Offsetting a day of absence with a particular rest day;
(b) Waiving a particular rest day in return for an equivalent daily rate of pay;
(c) Accumulating rest days not exceeding five (5) days; or
(d) Other similar arrangements.”Sa sitwasyon na nabanggit ninyo, walang masama kung hihilingin ng inyong asawa sa kanyang amo na hindi muna siya magde-day off at na mabayaran siya para sa pagtatrabaho niya sa araw ng kanya sanang day off. Subalit kinakailangang sang-ayunan ito ng kanyang amo sapagkat magiging obligasyon ng huli na bayaran ang inyong asawa para sa araw na tinrabaho nito.
Kung maka-isang taon naman na ang inyong asawa sa kanyang pamamasukan ay pagkakalooban siya ng limang (5) araw na pagliban na mayroong bayad. Ayon sa Section 21 ng R. A. No. 10361:
“A domestic worker who has rendered at least one (1) year of service shall be entitled to an annual service incentive leave of five (5) days with pay: Provided, That any unused portion of said annual leave shall not be cumulative or carried over to the succeeding years. Unused leaves shall not be convertible to cash.”Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.




Comments