Davis at Sabonis, bumanat, Garland, sayang ang 51 pts.
ni Anthony E. Servinio - @Sports | November 15, 2022

Humugot ng matinding numero ang Los Angeles Lakers mula kay Anthony Davis upang sugpuin ang bisitang Brooklyn Nets, 116-103, sa tampok na laro sa NBA kahapon mula sa Crypto.com Arena. Umagaw din ng atensiyon si Joel Embiid sa 105-98 panalo ng Philadelphia 76ers sa Utah Jazz.
Hindi naglaro sa pangalawang sunod na araw si LeBron James kaya napilitan si Coach Darvin Ham na magbago ng stratehiya patungo sa pangatlong panalo sa 13 laro.
Sinagot ni Davis ang hamon sa kanyang 37 puntos at 18 rebound sa tapatan nila ni Kevin Durant sa 31 puntos.
Nagbagsak ng 59 puntos at 11 rebound sa loob ng 37 minuto si Embiid. Pumantay ang Philadelphia sa 7-7 habang bumagsak mula sa liderato sa Western Conference ang Utah na 10-5.
Dahil natalo ang Jazz, umakyat sa liderato ng West ang Denver Nuggets matapos manaig sa Chicago Bulls, 126-103. Tabla na ang Denver at Portland Trail Blazers sa 9-4.
Lumasap muli ng talo ang World Champion Golden State Warriors sa pagdalaw nila sa Sacramento Kings, 122-115. Pumutok para sa 26 puntos at 22 rebound si Domantas Sabonis habang 22 puntos si De'Aaron Fox.
Hindi lang si Embiid ang nakatala ng mahigit 50 kahapon at nagsabog ng 51 si Darius Garland ng Cleveland Cavaliers subalit hindi ito sapat at nagwagi sa kanila ang Minnesota Timberwolves, 129-124. Namuno sa Timberwolves sina D'Angelo Russell na may 30 puntos at 12 assist at Karl Anthony Towns na may 29 puntos at 13 rebound.
Bumaha ang puntos sa 145-135 tagumpay ng Oklahoma City Thunder sa New York Knicks kung saan gumawa ang OKC ng 43 puntos. Nagbida si Shai Gilgeous-Alexander sa 37 puntos at triple double si Josh Giddey na 24 puntos.





Comments