Dating nilalait, puring-puri ngayon… REYNA-REYNAHAN NI VICE, 'DI UUBRA SA KAPUSO
ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | July 5, 2023

May ilang netizens ang nagtatanong kung bakit daw ngayon lang inamin ni Vice Ganda na lumabas na siya noon sa ilang shows ng GMA Network tulad ng SOP, naka-duet pa nga niya ang kanyang idol na si Regine Velasquez.
‘Di lang ‘yun, naging bahagi rin siya ng Comedy Central Market at lumabas sa isang serye.
Sinabi rin ni Vice na sumali rin siya sa isang singing contest segment ng Eat… Bulaga! noon.
Kung hindi pa lumipat ang It’s Showtime sa GTV (sister channel ng GMA-7), hindi pa maaalalang balikan ni Vice ang kanyang nakaraan sa Kapuso Network.
Hindi naman nakakalimutan ng ilang netizens na noong humahataw ang career ng comedian-TV host sa ABS-CBN ay nilalait niya ang mga shows at mga artista ng GMA Network.
Ngayon ay iba na ang naging senaryo at kaganapan. Ang dating hinahamak at pinagtatawanang network ay siya ngayong kumupkop sa It’s Showtime nang natapos ang kontrata nila sa TV5.
Talagang bilog ang mundo. Hindi palaging nasa tuktok ng tagumpay ang isang celebrity tulad ni Vice.
At hindi siya puwedeng magreyna-reynahan sa GMA Network dahil maraming malalaking artista ang dati nang bumibida sa kanilang mga shows. Hindi sila puwedeng sapawan ni Vice.





Comments