top of page

Dating child star ng Eat Bulaga! BJ, NASAID ANG LAHAT NG IPON DAHIL NABIKTIMA NG PANLOLOKO

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 4, 2023
  • 4 min read

ni Julie Bonifacio @Winner | August 4, 2023



Naging masalimuot din pala ang buhay ng dating child star na si BJ “Tolits” Forbes.


Nawala lahat ng pinaghirapan niya sa isang iglap.


Kuwento ni BJ, “Nu’ng 12 years old po ako, naloko po kami sa bahay which is lahat ng naipon ko sa pagiging child star ko, nawala. Naloko kami. Peke ‘yung titulo ng bahay na napunta sa amin. Uh, I’m not blaming my mom for that dahil may mga ganyan na tao, eh.


Pero siyempre, siya ‘yung nagha-handle ng mga finances ko nu’ng panahon na ‘yun.”


Sa pagkawala ng kanilang bahay, tumira sila sa isang maliit na bahay at nagdesisyon siya na hanapin ang kanyang ama.


“Dahil ano, eh, kumbaga, lumagapak ako sa buhay. Tapos, wala akong matakbuhan.


I mean, hindi ko masisi ang nanay ko. Pero wala ring tumutulong sa akin. Wala ‘yung tatay ko.

So, I’m incomplete, ganyan. Then, ‘yan din po ‘yung time na parang natamlayan ako sa showbiz.


Hindi na ako nag-o-auditions. May mga ibinibigay na shows, hindi ko pinupuntahan because of family problems and personal problem,” lahad niya.


Dugtong pa niya, “And then, ‘yun din kasi ‘yung mga panahon na depressed na ako, suicidal na ‘yung stage ko. Hindi ko gustong makita ako ng public na ganoon. Ngayon na lang ako nagiging vocal. Kasi tanggap ko na siya. Kumbaga, tulad nga sa film (The Special Gift), ‘pag tanggap na natin ang isang bagay, ‘pag hindi na siya ganoon kasakit sa atin, saka lang natin siya naikukuwento, eh, sa mga tao.”


Hindi na raw niya makita nu’ng panahon na ‘yun ang purpose niya para magpatuloy. Hanggang sa napunta na siya sa teatro kung saan naihahayag niya ang kanyang passion sa pag-arte.


“Kumbaga, bumangon ako nang hindi ako humihingi ng tulong sa TVJ (Tito Sotto, Vic Sotto at Joey de Leon). Hindi ako humihingi ng tulong sa network. Hindi ako nagpaawa sa media.


Kinimkim ko ‘yung mga personal problems ko. And, I have no regrets with that kundi man nagtuluy-tuloy ‘yung pag-angat.


“Kasi kung para sa akin, kung kinailangan kong lunukin ang dignidad ko nu’ng bata ako, ligaw ‘yung landas ko. Ang dami kong tanong sa personal kong buhay na noon lang nasasagot, kung sasabayan ko siya ng pagiging showbiz, na ihahayag ko pa ang sarili ko?


“Baka, hindi ko po kinaya personally. Baka, napunta ako sa kinapuntahan nu’ng mga katulad kong child stars. Alam naman natin, ‘di ba? Sina Kuya Jiro (Manio). Uh, hindi kasi nila kinaya, eh, ‘yung dagok ng buhay. Pero sa akin, kahit sabihin ng ibang tao na laos na siya, laos na si Tolits, mga ganyan.


“No, hindi n’yo lang alam kung bakit mas pinili ko na maging pribadong tao at kung bakit mas pinili ko ‘yung simpleng buhay. Iniwan ko ‘yung kasikatan. Iniwan ko na ‘yung mga connections just to relive myself na mahanap ko ulit ang sarili ko.


“At ngayong buo na ulit ako, humaharap ako sa inyo. Ikinukuwento ko kung ano ‘yung mga pinagdaanan ko. And it’s part of my story na naging inspirasyon sa marami.


“So, kung hindi man po ako nagtuluy-tuloy sa pagiging superstar, uh, it’s part of God’s plan for me. And hindi po ako nanghihinyang dahil doon. At masaya po ako na tuwing humaharap po ako sa inyo, kilala n’yo pa rin ako. At alam n’yo kung ano ‘yung mga ginawa ko sa nakaraan.


So, masayang-masya po ako roon,” tuluy-tuloy na pahayag ni BJ sa presscon ng pelikulang The Special Gift.


Ang The Special Gift ay mula sa direksiyon ni Lawrence Roxas under RC Gomez Entertainment Productions. Tampok sa pelikula ang child star na si Franchesco “Choco” Maafi bilang si Liam Castrillo na isang gifted child, Soliman Cruz, Mike Lloren, Malou Canzana, Migui Moreno, Ella Sheen, Romina Cauilan, Angelo Gomez at BJ Forbes.


Bilang dati ring child star, proud si BJ kay Choco na nabigyan siya ng pagkakataon na gumanap sa isang importanteng role.


“And, uh, tingin ko sa pagkakakilala ko kay Direk Lawrence, hindi naman siya basta mag-o-audition nang hindi niya kayang gampanan o hustisya ‘yung role. So, kay Choco, it’s very, very big para sa kanya, para sa career niya itong The Special Gift. At kung sa advise naman po if I’m permitted as a former child actor then, just listen sa lahat ng mga nakapaligid sa ‘yo. Be observant.


Bea good listener na, dahil doon tayo gagaling. And, sa nakita ko naman po sa batang ito, eh, talagang nakikinig siya. And, uh, gusto niyang matuto,” sabi pa ni BJ for Choco.


Tingin ni BJ, mas malayo pa ang mararating ni Choco sa showbiz.


“And nakikita ko sa kanya ang sarili ko dahil as a child actor nu’ng bata ako, hindi naman laro lang sa akin ang lahat. Kahit bata po ako, I have a sense of responsibility na kailangang gawin ‘yung trabaho. And kay Choco, nakikita ko rin naman ‘yun. Na ginagawa niya ang alam niya at kung ano ang ginagawa niya sa produksiyon na ito.”


Magkakaroon ng special screening ang The Special Gift on September 9, 12 NN, 3 PM and 6 PM sa Cinema 3, The Block, SM North Edsa.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page