Dapat may pinatatawad din ang Pinoy basher, lalo na kung buhay at kalusugan na ang pinag-uusapan
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | January 28, 2022
Ang social media ay platform na nagkaroon ang lahat ng pagkakataong maibahagi o maihayag ang anumang nararamdaman, karanasan, mga balakid at iba pang bagay na maaaring magdulot ng panibagong koneksiyon sa iba pang tao sa buong mundo.
Malaya itong naisasagawa nang walang bayad na humantong na sa unti-unting pagpangit ng social media dahil kitang-kita na kung paano ito nagamit sa hindi magandang bagay, partikular sa pagpapahayag ng mga below the belt na komento na gamit lamang ang katagang freedom of speech.
Ang nakapanlulumo, tila ang Pilipinas na ang nangunguna kung ‘bashing’ lang ang pag-uusapan dahil sa kawalan ng takot na magbigay ng komento, mang-insulto at walang pakundangan kung makakasakit ng kapwa, basta ang mahalaga ay makapagbigay lang ng negatibong komento.
Sabi nga nila, likas na alaskador ang ilan sa ating mga kababayan, pero ang masaklap, ang social media na araw-araw binibisita ng ating mga kababayan ay pinamumugaran na rin ng mga ‘Marites’ o makabagong tawag sa mga tsismosa o nag-iimbento ng fake news.
Pero alam n’yo ba na ang pinakamadaling puntiryahin ng mga basher ay ang mga Pilipinong celebrities na lahat yata ng galaw ay pinupuna ng netizen mula pananamit, pagsasalita hanggang sa pakikipagrelasyon ay may komento ang mga basher dahil bihira sa mga celebrities ang gumaganti.
Kaso ang isa sa mga nakaagaw sa ating atensiyon sa social media ay itong mga huling araw na pinutakte ng mga basher si Kris Aquino na kasalukuyang nasa mabigat ng sitwasyon dahil sa kanyang suliranin sa kalusugan.
Maging ang malungkot na pangyayari sa pinakahuling relasyon ng kumare ng inyong lingkod si Kris ay pinagpiyestahan sa social media na sa kasamaang-palad ay nasabay pa ang hindi naman natin matukoy na pangyayari dahil wala naman talagang nakakaalam sa atin ng totoong kaganapan.
Ang hindi natin natiis ay ang nakita siya na sa gitna ng kanyang kalagayan ay nagagawa pang mag-post ng mga paliwanag para lamang sa mga basher na walang pakialam kahit nasa sitwasyong hindi dapat nai-stress si Kris.
Kaya, naglabas tayo ng panawagan sa mga basher na baka puwedeng palampapasin na muna ang sitwasyong ito dahil mas kailangan ni Mareng Kris ng panalangin para sa mabilis niyang paggaling at hindi makakatulong na araw-araw pa siyang tinitira ng mga basher.
Hindi natin idinidepensa si Kris bilang kumare, ang ipinapakiusap lang natin ay marami namang puwedeng insultuhin, tirahin at gawing katatawanan sa social media kung ‘yan ang ikaliligaya ng mga basher, pero sana lang huwag sa taong nasa hindi maayos na kalagayan.
Kahit hindi kay Kris, kahit sa ibang tao na may matinding pinagdaraanan na paboritong banatan sa social media para pampalipas oras ay baka puwedeng pass muna kapag nakumpirma ninyong may mabigat na pinagdaraanan.
Hindi porke celebrity o kilalang personalidad ay hindi nasasaktan dahil tao rin ang mga ‘yan na may nasasaktang kaanak at isipin n’yo na lamang kung sa inyo mangyari ang nakaratay na sa pisikal na karamdaman at may kinahaharap pang problema sa puso tapos uupakan pa sa social media.
Habang isinusulat natin ang artikulong ito, iniisip natin kung ano ba ang napapala ng basher kapag nakakapag-post sila ng paninira o pang-iinsulto sa hindi naman nila lubos na kakilala.
Pero ayon sa Department of Health (DOH), ang social media umano ay tinatawag ngayong ‘the new face of depression’ dahil nagbubunga na ito ng negatibong pangyayari na mas dumarami na kumpara sa mabuting dulot nito.
At ang online bashing umano ang nangunguna sa paghantong sa depresyon at mismong ang mga basher o ang mga taong hindi mapakali kung hindi makapag-post ng nakaiinsulto o nakakapanirang bagay ay dumaranas na ng deperesyon.
Ayon pa sa istatistika ng DOH, nasa 3.29 milyong Pilipino umano ang nabubuhay sa depresyon at posibleng kabilang na ang mga basher na hindi kayang pigilan ang daliri na pumindot para manira o mang-asar sa social media.
Kaya muli ay nananawagan tayo sa lahat na ipagdasal ang kalagayan ni Kris Aquino, na dumaraan ngayon sa matinding pagsubok sa kanyang kalusugan – huwag na bilang celebrity o political figure, kung hindi bilang kapwa tao na nakikipaglaban sa karamdaman. “Get well soon Kris. Our prayers are with you.”
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments