Dapat mag-invest ang gobyerno sa satellite
- BULGAR
- Dec 21, 2021
- 2 min read
ni Ka Ambo - @Bistado | December 21, 2021
HIGIT na malakas ang Yolanda kaysa sa Odette.
Pero, ang pinsala ay ubod nang lawak sa Visayas at Mindanao!
◘◘◘
BAGSAK ang serbisyo ng telecom.
Ibig sabihin, wala ring silbi ang telecom kapag may kalamidad tulad ng bagyo at lindol.
Kasama ang telecom sa biktima!
◘◘◘
HANGGANG ngayon ay hindi maayos ang serbisyo ng telecom sa mga lugar ng kalamidad.
Ibig sabihin, hindi dapat aasa sa serbisyo ng signal na nagmumula sa mga ipinagmamalaking telecom tower.
Inutil din 'yan sa panahon ng trahedya!
◘◘◘
BAKIT walang nag-i-invest para sa satellite signal?
'Yan ang tamang serbisyo.
Ibig sabihin, sa sobrang laki ng kinikita ng telecom companies, wala pa ring itinitindig na satellite communication system!
◘◘◘
MAKIKITA natin ang kamangmangan ng mga opisyal ng gobyerno hinggil sa modernisasyon at teknolohiya.
Bopol ang mga gumagawa ng batas at nagpapatupad nito!
◘◘◘
BAKIT daw kahit naiiwan sa survey ang mga national candidate ay diretso lang sa kampanya?
Gusto ba ninyo ng tamang sagot?
Ere ang tumpak na sagot:
Ang pagkandidato ay isa ring negosyo.
Maraming kumakandidato ay hindi para manalo, bagkus ay para magkamal ng salapi mula sa kontribusyon ng mga dambuhalang korporasyon!
◘◘◘
ANG demokrasya ay may side-effect tulad din ng COVID-19 vaccines, dahil ang mga oligarko ay nag-aalaga ng mga pulitiko.
Ang mga oligarko ay siyang may kontrol ng industriya.
Tuwing eleksiyon, ang nagdo-donate sila at tumutustos ng bilyun-bilyon sa mga national candidate.
Kapag nahalal ang mga alaga nilang pulitiko, interest ng mga oligarko ang kanilang ipinakikipaglaban—at hindi ang interest ng ordinaryong tao!
◘◘◘
HINDI nag-iisa ang Pilipinas sa sitwasyong 'yan, halos lahat ng bansa na may malayang eleksiyon—ay kinokontrol ng mga oligarko.
Ang mahihirap ay ginagamit na kasangkapan at katwiran upang makapaglabas ng malalaking pondo na siyang dinadambong ng mga buwitre sa gobyerno!
◘◘◘
TULAD ngayon, halos lahat ng presidentiables ay bilyun-bilyon ang iniuubos sa illegal na propaganda sa media.
Saan nanggaling ang mga pondong 'yan?
Tama kayo, mula 'yan sa mga oligarko!
◘◘◘
WALANG aktuwal na natatalo sa mga national candidate.
Matapos ang eleksiyon, nakapagtatabi sila o nakapagtatago ng bilyun-bilyon—mula sa donasyon ng mga oligarko!
◘◘◘
MAAARING kinapos siya ng boto o nakulelat matapos ang national canvassing, pero naitakas na nila ang personal fund para sa kanilang future.
Isang negosyo ang pulitika sa Pilipinas.
Mas malaki ang kita sa pulitika, kaysa sa pag-aartista o pagiging professional athlete!
◘◘◘
WALANG natatalo sa eleksiyon, matapos sumigaw na dinaya sila, magbibilang silang ng milyun-milyon sa mga “naitabi” mula sa campaign fund.
At kapag binuwenas sa canvassing of votes, daig pa nila ang tumama nang 10-beses ng jackpot sa lotto!





Comments