top of page
Pokwang.jpg

Dapat lang gayahin ni P-Duterte si Mayor Nieto ng Cainta!

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 18, 2021
2 min read

ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | January 18, 2021



DATI SABI NI P-DUTERTE SIYA ANG UNANG MAGPAPABAKUNA, PERO NGAYON GUSTO NIYA SIYA ANG LAST—Noong Agosto 10, 2020, sa harap ng publiko ay sinabi ni P-Duterte na kapag may bakuna na sa Pilipinas ay siya raw ang unang magpapaturok upang ipakita sa mamamayan na ligtas ang bibilhing COVID-19 vaccines ng pamahalaan.

Pero nitong Enero 13, 2021, nag-iba na ihip na hangin sa Pangulo kasi gusto niya ay siya raw huling magpapaturok.


Tila pati ang Pangulo, eh, diskumpiyado sa Sinovac vaccines na gawang China na aangkatin ng gobyerno para ipambakuna sa mga Pinoy, boom!


◘◘◘


DAPAT ISALPAK NI ROQUE SA KANYANG KUKUTE NA ANG GAMIT SA BAHAY AY HINDI ITINUTUROK, ANG BAKUNA ITUTUROK SA TAO—Matapos sabihan ni Presidential spokesman Harry Roque ang publiko na huwag maging choosy o pihikan sa bakuna ay sinabihan na naman nito ang mamamayan na huwag daw mag-aalala sa bibilhing bakunang Sinovac ng Duterte gov't. dahil bahagi na raw ng buhay ng mga Pinoy ang made in China kasi karamihan ng kagamitan sa bahay ng mga Pilipino ay mga gawang China.


Dapat isalpak ni Roque sa kanyang kukute na ang mga gamit sa bahay na made in China ay hindi itinuturok sa tao, at ang bakunang Sinovac na gawang China na nais bilihin ng pamahalaan ay ituturok sa mga Pilipino, period!


◘◘◘


HINDI KARUGTONG NG BUHAY NI P-DUTERTE ANG BUHAY NG PINOY NA MATUTURUKAN NG SINOVAC—Sabi ni P-Duterte, sagot daw niya ang responsibilidad kapag pumalpak ang bakunang Sinovac na ituturok sa mga Pinoy.


Ganun? Pambihira, eh, hindi naman karugtong ng buhay ni P-Duterte ang mga Pinoy na matuturukan ng Sinovac, na ibig sabihin, hindi naman ang Pangulo ang mapapahamak, sakaling sablay ang nabiling bakuna kasi ang mapapahamak lang ay 'yung naturukan ng bakunang gawang China, boom!


◘◘◘


DAPAT GAYAHIN NI P-DUTERTE SI MAYOR NIETO NG CAINTA—Nag-post sa social media si Mayor Keith Nieto ng Cainta, Rizal na pinutol na raw niya ang pakikipagnegosasyon sa pagbili ng bakunang gawang China dahil ayaw daw ito ng kanyang constituents, at sa ngayon ay planong bilhin na ng kanyang pamahalaang lokal ay ang gusto ng kanyang mga kababayan, at ito ay ang AztraZeneca na gawang Europe.


'Yan ang tama, at dapat tularan ni P-Duterte si Mayor Nieto, na kung ano ang gusto ng mamamayan, 'yun ang dapat masunod na bilhin kasi pera ng taumbayan ang gagastusin sa pagbili ng bakuna sa ibang bansa, period!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page