top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Dapat igalang ang demokrasya

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 14, 2022
3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | February 14, 2022



Tuwang-tuwa ang mga supporters nina Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. at Inday Sara Duterte-Carpio sa napakamatagumpay na proclamation rally na isinagawa sa Philippine Arena sa Bulacan, kamakailan na dinaluhan ng napakaraming tao.


Isa sa mga nagbigay-ningning sa naturang proklamasyon ay ang pagpapakita ng suporta ni Direk Paul Soriano kasama ang kanyang maybahay na isa ring TV personality na si Toni Gonzaga at siya pang nag-host ng naturang programa na labis na ikinasiya ng mga dumalo.


Mismong si BBM ay taos-pusong nagpasalamat kay Toni Gonzaga dahil sa pagho-host ng UniTeam proclamation rally na idinukomento pa mismo ni BBM sa kanyang Facebook.


“Isang makasaysayang gabi na hindi namin malilimutan ni Mayor Inday Sara kapiling ang aming mga tagasuporta, pamilya, kaibigan at nanindigan para sa ating samahan ng pagkakaisa – tulad mo, Toni.” Ito mismo ang naka-post sa Facebook account ni BBM.


Ganito kasaya ang naging pakiramdam ng marami nating kababayan noong gabing iyon na muling nakakita ng pag-asa sa katauhan nina BBM at Sara na isang araw ay muling babangon ang bansa mula sa pagkakalugmok dulot ng pandemya.


Nakadidismaya lang na kung sino pa ang sigaw nang sigaw ng demokrasya ay sila pa ang mismong hindi rumirespeto sa demokrasya, tulad na lamang ng naging karanasan ni Toni Gonzaga mula sa mga basher na halata namang galing sa ibang kampo na hindi nila matanggap ang paninindigan ng actress/TV Host.


Bihira kasi ang tulad ni Toni na buo ang loob para ipakita ang kanyang suporta sa nais niyang maging pangulo at ikalawang pangulo ng bansa dahil karaniwan ay umiiwas sa kontrobersiya lalo pa kapag sikat na tulad ni Toni.


Mahalagang elemento kasi ng demokrasya ang choice o pagpili sa nais natin sa anumang bagay at ang pagkakaiba-iba ng pananaw o opinyon ang lalong nagpapatunay na umiiral ang demokrasya sa bansa at hindi ito idinidikta ng kung sinuman, lalo na ng mga basher na galing sa iisang kumpas.


Hindi maiiwasan na magkaroon ng iba’t ibang pananaw, ngunit mahalaga na igalang ang desisyon ng iba kung nais naman nilang igalang din ang kanilang desisyon.


Hindi tayo komportable sa pagpupumilit ng ilan na dapat silang igalang, ngunit sukdulan naman ang kanilang kawalang respeto at kinakain ng galit tungo sa iba na ang tanging nagawa lamang ay hindi umayon sa kanilang kagustuhan.


Hindi puwedeng ang gusto ko ay ipipilit ko sa iba na dapat magustuhan din nila, dahil sobrang self-righteous niyan at tahasang pandidikta na sa kapwa, kaya hayaan natin ang mga tao kung sino at saan nila gusto.


Ngayong darating na eleksiyon, kung may pagkakaiba-iba man tayo sa antas ng pamumuhay ay tanging sa pagpili ng ating ibobotong kandidato lamang tayo mayroong pantay-pantay na pagkakataon — walang nakakaangat; walang nakakalamang; walang elitista; walang mahirap — lahat ay may tig-iisang boto lamang.


Kaya hindi lang sa kaso ni Toni ang panulat nating ito, maging sa marami pa nating kababayan na dumaranas ng sobrang paglapastangan na sa kanilang pagkatao o kalabisan nang sabihin na lantarang pambabastos na social media dahil lamang sa salungat sa kanilang kagustuhan ang naging desisyon ng kanilang nilalapastangan.


Hindi rin naman natin tahasang sinisisi ang ilang basher dahil posibleng nadala lamang sila sa bugso ng kanilang damdamin, partikular sa naganap na proclamation rally na sa sobrang dami ng dumalo ay mistulang tapos na ang eleksiyon at alam na kung sino ang susunod na pangulo at ikalawang pangulo.


Kung lilibakin natin ang isang tao dahil lamang sa kanyang desisyon at magiging boto ay maliwanag na hindi ‘yung tao ang sinisira natin kundi ang demokrasya mismo.


Alalahanin natin na sa halalan, lahat ay may karapatang kumandidato kung kuwalipikado at lahat ay may karapatang mamili ng nais nilang maluklok sa puwesto. At pagkatapos ng eleksiyon ay huwag nating kalimutan na iisang bansa tayo at hindi hawak ng mga kandidato ang ating pagiging Pilipino.


Higit sa lahat ay Araw ng mga Puso, ano ba naman kung paiiralin natin saglit ang pagmamahalan, kahit saglit lang at huwag tayo masyadong magpadala sa emosyon dahil lamang sa pulitika dahil lahat naman ay may mabuting intensyon na mapaganda ang bansa.


Kaya igalang natin ang demokrasya, igalang natin ang desisyon ng kapwa, dahil ito ang tunay na ibig sabihin ng salitang demokrasya sa tunay na kahulugan nito.


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page