Dapat daw, siya lang ang nasa pulitika… VG ALEX, UMAMING PINAGME-MAYOR SI SUNSHINE SA MALOLOS, ‘DI NIYA PINAYAGAN
- BULGAR

- 12 hours ago
- 3 min read
ni Beth Gelena @Bulgary | March 24, 2026

Photo:Vice-Gov. Alex Castro at Sunshine Garcia - FB
Umalma ang girlfriend ni Marc Leviste na si Aira Lopez sa paratang na nandaya siya sa kanyang performance sa My Daily Collagen Triathlon na ginanap sa Subic.
May naging post kasi kamakailan ang aktres at athlete ring si Bubbles Paraiso na bagama’t pa-blind item ang pagkakasulat, may mga nakahulang patungkol ‘yun kay Aira.
Itinanggi niya ang paratang na gumamit siya ng isang pacer o nakatanggap ng ilegal na tulong mula sa labas.
Sinabi ng triathlete na sinuri ng mga organizers ng karera ang isyu at beripikado ang mga resulta.
Hinimok ni Aira ang mga kapwa-atleta na alamin muna ang katotohanan bago magbigay ng mga paratang na maaaring makasira sa reputasyon ng mga atleta.
Ayon kay Aira, noong una ay ayaw niyang magsalita sa publiko tungkol sa isyu, ngunit dahil patuloy na kumakalat ang umano’y pandaraya niya ay nagpasya na siyang linawin ang lahat upang matigil na.
Reputasyon na rin daw niya kasi ang nakasalalay bilang triathlete.
Aniya, “Nais kong gamitin ang sandaling ‘to upang magsalita at linawin ang mga akusasyon kaugnay ng aking kamakailang karera sa My Daily Collagen Triathlon sa Subic noong nakaraang linggo.
“Nagsanay ako nang husto, nagsikap, at ibinigay ang aking makakaya para makapaglaro nang maayos. Gaya ng alam ng maraming atleta, ‘di naman nafa-fake (nape-fake) ang Strava.
“Bilang isang triathlete, dapat mong malaman na ang sinumang walang bib number ay ‘di pinapayagan at ‘di maaaring makapasok sa race course. May mga cone, marshal, at mga opisyal ng karera na nagbabantay sa buong ruta,” paliwanag niya.
Nakatanggap daw siya ng tulong mula sa labas habang nasa karera sa pamamagitan ng pagtanggap ng tubig o yelo.
Aniya, “This actually happens in many races—even in Ironman events. During the run in places like Cebu or Davao, we sometimes pass local homes where residents kindly offer athletes water or ice.”
Nadismaya siya na ang alegasyon sa kanya ay ipinost pa sa publiko sa halip na pag-usapan nang pribado.
“As a fellow woman in the sport, I expected a little more understanding and support before making public assumptions. If you had questions, you could have simply messaged me or asked the organizers directly,” sey niya.
“Triathlon is my passion. It’s something I deeply respect, and I would never do anything that would compromise my integrity as a person and as an athlete,” dagdag pa niya.
‘KAALIW palang kausap si Bulacan Vice-Gov. Alex Castro. Palibhasa ay sanay na sa showbiz, alam niya kung paano pasayahin ang entertainment press na nakapalibot sa kanya.
Pero kahit showbiz talks ang usapan ay may laman ang kanyang mga sagot.
Bilang mister ni Sunshine Garcia, tungkol muna sa dance concert ng Sexbomb ang isa sa mga tanong sa kanya.
Ani Vice-Gov., “Sa totoo lang, una, ‘di ako fan ng SexBomb kahit mag-girlfriend-boyfriend na kami ni Sunshine. Noong time na ‘yun, sikat na sikat na sila. Magkaiba kasi kami ng hilig. Ako, tutok sa pag-aaral, sila naman, maraming kaganapan, kaliwa’t kanan.
“Kaya nu’ng mapanood ko ang concert nila, sinuportahan ko siya. Nag-enjoy ako sa kanilang show. Panay ang kuha ko ng picture. Du’n ko nakita na talagang gustung-gusto sila ng mga manonood. Mula Rawnd 1 hanggang Rawnd 5, ‘di ako nagsawang panoorin sila. Simula noon, naging number one fan na nila ako.”
Dahil naging busy si Sunshine, tanong namin, may panahon pa ba siya sa family?
Aniya, “‘Di naman n’ya napapabayaan ang family. Hands-on s’ya. Pero ipinagpapatuloy pa rin n’ya ang kanyang journey. ‘Di ko aalisin sa kanya ‘yun dahil ‘yun ang passion n’ya at sinusuportahan ko s’ya. Give and take naman kami. Nu’ng time na kailangan ko s’ya, nand’yan s’ya palagi.”
May bulung-bulungan na hinihimok si Sunshine na tumakbo bilang mayor sa isang bayan ng Malolos.
Ayon kay Vice-Gov Alex, totoo ito, ngunit tutol siya dahil laban siya sa political dynasty.
Paliwanag niya, “Nakarating ako sa pulitika nang ako lang, wala akong kamag-anak. Una akong naging SK, naging konsehal, at naging board member. Kaya ako napunta sa posisyon kong ito ay dahil kay Gov. Daniel Fernando. Lumapit s’ya sa akin kung gusto ko raw maging bise n’ya bilang gobernador. Flattered ako dahil pinagkatiwalaan n’ya ako.”
Aniya, maging ang anak niya ay kinukuha na ring maging SK, pero hindi siya pumayag. Tama na raw na isa sa kanila ang nasa pulitika.
Samantala, natanong kung ilang taon na ang panganay nila at ilan ang anak nila ni Sunshine.
Sagot ni Vice Gov., “Lima ang anak ko. May 20-year-old na akong anak na lalaki. Si Sunshine naman, may isa ring anak, kaya swak kami. Tatlo naman ang anak namin ni Sunshine.”
Binanggit din ni VG Alex na guest siya sa Fast Talk with Boy Abunda (FTWBA).
May nagtanong ng “Lights on, lights off?”
Game na sumagot si VG Alex ng “Dim,” dahil ang gusto raw niya ay may maaninag pa rin siya.
Nagtapos ang pakikipag-usap sa kanya na nagtatawanan ang lahat.




Comments