Dapat bang takutin ang mamamayan o dapat silang unawain at bigyan ng ayuda?
ni Ka Ambo - @Bistado | July 22, 2021
Natutuliro ang mga awtoridad kung paano mapipigil ang pagdami ng kaso ng Delta variant sa bansa.
Nagagalit si P-Digong sa mga ayaw magpabakuna!
◘◘◘
BINANSAGANG “buwang” o baliw ang mga tumatanggi sa bakuna.
Nauna nang binantaan ni P-Digong na ipakukulong ang hindi magpapabakuna!
◘◘◘
ANIYA, ang mga ayaw magpabakuna ay hindi dapat umalis ng bahay.
Kumbaga, mabubuwang sila sa bahay dahil hindi talaga sila puwedeng lumabas.
‘Ika nga, “bawal lumabas”!
◘◘◘
PANANAKOT ang estilo ni P-Digong na ikinabubuwisit ng kanyang mga kritiko.
Dapat daw maging mahinahon at unawain ang mga ordinaryong tao!
◘◘◘
TALIWAS kay P-Digong, ipinatutupad naman ni VP Leni ang programang Vaccine Express.
Tinutukso ng benepisyo o insentibo ang mga tao na nagkukusa na magpabakuna!
◘◘◘
ANG mga tricycle at pedicab drivers at delivery riders ang inaakit na magpabakuna kung saan, pinagkakalooban sila ng tulong bilang pagpapasalamat sa kanilang kooperasyon.
Marami ang nakatanggap ng gas card, grocery pack, bigas at de-lata matapos magpabakuna ang obrero!
◘◘◘
AKTUWAL na bumaba sa Maynila si VP Leni para sa Vaccine Express at nakipag-ugnayan kay Mayor Isko kahit posibleng magkalaban sila sa 2022 election.
Ibig sabihin, hindi dapat hinahaluan ng pulitika o pananakot ang kampanya sa massive vaccination program!
◘◘◘
MARAMING post sa social media na magkasama sina Robredo at Moreno sa vaccination area na nagpapatunay na walang halong pulitika ang pagtulong sa panahon ng krisis.
Sa ngayon, hindi nagdedeklara ng pagkandidato sinuman kina VP Leni at Mayor Isko!
◘◘◘
BUKOD sa massive vaccination, mas kailangan ipokus ang kampanya kung paano maipatutupad nang mahigpit ang protocol.
Dapat bang takutin ang mamamayang nagpa-panic o dapat silang unawain at bigyan ng ayuda?
◘◘◘
WALANG mabuting kauuwian ang pananakot dahil magbubunsod lamang ito ng paglala ng sitwasyon.
Sa totoo lang, malaya ang bawat nilang sa diskarte kung paano niya gagampanan ang kanyang responsibilidad sa lipunan!
◘◘◘
HINDI paglabag sa batas ang pag-iwas sa bakuna, bagkus ito ay pagiging maingat sa kanyang kaligtasan.
Sa totoo lang, ang COVID vaccine sa ngayon ay hindi nalalayo sa “Dengvaxia kontra dengue”.
Experimental vaccine na hindi pa ganap na pumapasa bilang “commercial grade”!
◘◘◘
BIGYAN natin ng kalayaan ang bawat tao na magdesisyon sa kanyang buhay.
Hindi sila dapat panghimasukan kung paano siya didiskarte sa ibabaw ng lupa!
◘◘◘
WALANG puwang ang pananakot sa panahon ng krisis.
Mas mahalaga ngayon ay ibahagi ang wagas na pang-unawa at pagmamahal sa kapwa.
Tulad ni Robredo, dapat bumaba sa laylayan ng lipunan ang matataas na opisyal ng pamahalaan upang madama nila ang tunay na sitwasyon ng ordinaryong mamamayan!





Comments