top of page

Danyos dahil sa pagkawala ng kakayahang kumita

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 20, 2023
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 20, 2023


Dear Chief Acosta,


Nabangga ng rumaragasang sasakyan ang aking pinsan. Siya po ay nasa maayos at malusog na pangagatawan bago siya bawian ng buhay. Bagama’t noong panahon na siya ay nabangga ay wala siyang pinapasukang trabaho at nagtitinda-tinda lamang, sapat bang dahilan ito upang hindi ikonsidera ang danyos sa panghabambuhay na pagkawala ng kakayahang kumita dulot ng kanyang pagkamatay? –Jamal


Dear Jamal,


Ang sagot sa iyong katanungan ay hindi. Ito ay sa kadahilanan na ang danyos sa ganitong uri ng mga kaso ay ibinibigay dahil sa pagkawala ng kakayahang kumita; hindi ng aktwal na kita. Para sa iyong kaalaman, nakasaad sa Artikulo 2206 ng Republic Act Number 386 o mas kilala sa tawag na New Civil Code of the Philippines ang mga sumusunod:


“Article 2206. The amount of damages for death caused by a crime or quasi-delict shall be at least three thousand pesos, even though there may have been mitigating circumstances. In addition:


(1) The defendant shall be liable for the loss of the earning capacity of the deceased, and the indemnity shall be paid to the heirs of the latter; such indemnity shall in every case be assessed and awarded by the court, unless the deceased on account of permanent physical disability not caused by the defendant, had no earning capacity at the time of his death;”


Bukod sa nabanggit, sinabi rin ng Korte Suprema sa kasong Ocampo v. Angeles (G.R. No. 187899, 23 October 2013) sinulat ni Retired Honorable Associate Justice Martin Villarama Jr., na:


“Compensation of this nature is awarded not for loss of earnings, but for loss of capacity to earn money.”

Gamit ang mga nabanggit na panuntunan, malinaw na ang danyos sa ganitong uri ng mga kaso ay nakadepende sa pagkawala ng kapasidad na kumita at hindi ng aktuwal na kita. Dahil dito, hindi kailangan na may aktwal na pinapasukang trabaho ang iyong pinsan bago mahiling ang ganitong uri ng danyos. Sapat na kung mapatunayan na siya ay malusog at may kakayahan sanang kumita bago siya nasawi upang maibigay ng korte ang nasabing uri ng danyos na dulot ng kamatayan niya dahil sa pagkakabangga ng sasakyan.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page