top of page

Daming gustong maging senador, bilyunan na raw kasi ang pork barrel

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 28, 2024
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Sep. 28, 2024



Prangkahan ni Pablo Hernandez

IBINULGAR NOON NI EX-SEN. SOTTO NA ANG AGRI-SMUGGLERS NA SINA ‘GERRY TEVES’ AT ‘LEAH CRUZ’, TATAMAAN SA ANTI-AGRICULTURAL ECONOMIC SABOTAGE ACT -- Nilagdaan na ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) bilang ganap na batas ang “Anti-Agricultural Economic Sabotage Act” na magpapataw ng habambuhay na pagkabilanggo sa mga agri-smuggler sa bansa.


Kabilang sa mga ibinulgar noon ni dating Senate President Vicente Sotto III na mga agri-smuggler sa bansa ay sina alyas “Gerry Teves” (smuggler ng karne) at “Leah Cruz” (smuggler ng mga gulay).


Kaya ang tanong: Ititigil na kaya nina “Gerry Teves” at “Leah Cruz” ang raket nilang agri-smuggling o dededmahin lang nila ang bagong batas na ito at ipagpapatuloy pa rin nila ang kanilang agri-smuggling sa Adwana? Abangan!


XXX


MGA SMUGGLER NA SINA “TINA U.” “BIG MAMA” AT “KIMBERLY”, WALANG KABA SA ANTI-AGRICULTURAL ECONOMIC SABOTAGE ACT -- Walang kakaba-kaba ang mga smuggler na sina alyas “Tina U,” “Big Mama” at “Kimberly” sa bagong batas na “Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.”


Wala silang kaba dahil hindi sila kabilang sa puwedeng makasuhan at makulong ng habambuhay kasi hindi naman sila mga agri-smuggler, dahil ang ini-smuggle nila ay “ukay-ukay,” plastic resins, electronics at general merchandise.


Hay naku, magpapabida rin lang ang Marcos admin laban sa smuggling, hindi pa nilahat, tumutok lang sa agri-smuggling, tsk!


XXX


DAMING GUSTONG MAGING SENADOR, KASI SABI NI EX-SEN. PING LACSON, BILYUNAN NA ANG PORK BARREL -- Ang daming pulitiko at maraming kapamilya ng mga pulitiko ang kakandidatong senador sa 2025 midterm election.


Naalala tuloy natin ang sabi ni anti-pork barrel, former Sen. Ping Lacson sa panayam sa kanya ni Radyo 5 host Ted Failon, na kung dati raw ay P200 million lang ang yearly pork barrel, ngayon daw ay bilyunan na.


Ang nais nating ipunto rito, kung sakaling walang pork barrel funds ang mga senador, siguradong mabibilang lang sa daliri ang mga kakandidatong senador, at iyan ‘yung mga tinatawag na mga mararangal na mga political leader na ang iisipin ay gumawa ng mga panukalang batas para sa kapakanan ng bayan at mamamayan, period!


XXX


TIYAK SOBRANG KABA NA SI HARRY ROQUE SA PAGKAKATALAGA KAY GEN. TORRE SA CIDG -- Matapos maitalaga si P/Gen. Nicolas Torre bilang bagong director ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), hindi man aminin ay tiyak na sobrang kinabahan si former presidential spokesman Harry Roque na idineklang pugante ng Quad-Committee ng Kamara.


Kakabahan talaga si Harry Roque, kasi ang sabi ni Gen. Torre, isa sa misyon nila ay tugisin ang mga pugante, at kabilang diyan ang former presidential spokesman, boom!




Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page