Dambana, panalo sa Metro Turf
- BULGAR
- Dec 21, 2022
- 1 min read
ni Green Lantern @Renda at Latigo | December 21, 2022
Hindi nagpadaig si Dambana sa mga kapwa niya kabayo matapos manalo sa PHILRACOM Rating Based Handicapping System na inilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas, noong Linggo.
Nagpakitang gilas si Dambana at kahit sobrang tulin sa largahan ng kanyang mga nakatunggali ay nakasabay pa rin ito para makuha ang matamis na panalo.
Nirendahan ni jockey RA Base, inirehistro ni Dambana ang tiyempong 1:27.2 minuto sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ang added prize na P10,000 ng winning horse owner.
Nasa pang-limang puwesto sa largahan, pinanood nina Base at Dambana ang nasa unahan na sina Jubilum at Bocaue Rivertown pero papasok ng far turn ay inagaw ni Off Shoulder ang unahan.
Naging kapana-panabik ang bakbakan sa unahan pagsapit ng huling kurbada kung saan ay nakihalo na si Dambana. Sa huling 100 metro ay nakuha na ng winning horse ang unahan at tinawid ang meta ng may isa't kalahating kabayo ang agwat sa pumangalawang si Early Bird, tumersero si Keynote Speaker.
Ang nasabing event ay suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) sa pamumuno ni chairman Reli De Leon.





Comments